Monday, October 1, 2007

Free Filipino Romance Novel by Maia Jose Advocates Breastfeeding: Bukal Sa Dibdib


Note: This romance novel was commissioned by the Philippine Department of Health, the World Health Organization and the United Nations Fund for Population Activities in line with their Breastfeeding Campaign in the Philippines. It has been printed in pocketbook form and is being distributed for free in Philippine communities.

Bukal Sa Dibdib
ni Maia Jose


Copyright 2007, Philippine Department of Health (DOH) and World Health Organization (WHO) Philippines

Published by the Philippine Department of Health (DOH) and World Health Organization (WHO) with funding from the United Nations Fund for Population Activities (UNFPA)

MENSAHE

Ang bawat batang Pilipino ay may karapatan na maging malusog at magkaroon ng sapat na proteksyon. At ito ay maibibigay lamang sa pamamagitan ng pagpapasuso ng ina.

Bawat taon, halos 16,000 na mga bata ang nangamamatay dahil hindi sila nabigyan ng proteksyon laban sa mga impeksyon na maaari sanang naiwasan kung sila’y nabigyan lamang ng paunang bakuna na maaaring makuha sa gatas ng kanilang mga nanay. Ito ay isang trahedyang hindi na natin maaaring pabayaan. Kung kaya walang pagod na pinalalakas ng Department of Health ang kampanya para sa tuluy-tuloy na pagpapasuso sa loob ng anim na buwan hanggang dalawang taong gulang.

Patuloy ang tagumpay na tinatamasa ng kampanyang ito upang ipaglaban ang karapatan ng bawat bata. Noong 2006, pinatunayan ng may 4,000 nanay sa lungsod ng Maynila ang kanilang pagmamahal para sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng sabay-sabay na pagpapasuso. Ngayong taon, naging malawakan ang kampanya at mas maraming komunidad sa buong bansa ang nakilahok. Halos 16,000 na mga nanay ang nakibahagi sa pangunguna ng iba’t-ibang grupo at non-government organizations na ngayon ay nagsusulong ng ating matinding hamon na mapataas muli ang ating exclusive breastfeeding rate hanggang 60% pagdating ng 2010.

Malugod kong pinasasalamatan ang World Health Organization (WHO) na katuwang ng DOH sa pagpapausbong muli ng breastfeeding sa ating bansa. Ang Bukal Sa Dibdib ay isang nobelang gagabay sa ating mga ina ukol sa tamang pamamaraan ng pagpapasuso at magbibigay ng sapat na kaalaman upang mapangalagaan ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng tamang nutrisyon.

Nananawagan ako sa lahat ng mga ina namakiisa sa DOH upang paigtinging muli ang pagpapasuso ng ating mga sanggol sa ating bansa.

Sabay-sabay na magpasuso at sabay-sabay din nating itatag ang mas malusog na kinabukasan para sa ating mga kabataan!

- FRANCISCO DUQUE III, MD, MSc., Secretary of Health, Philippine Department of Health

POPULAR CULTURE AS CHANGE AGENT: ARTICULATING VOICES, EXPANDING CHOICES

In population and development, informed choice is a cornerstone of any integrated, participatory and effective population management and reproductive health programme worthy of the name. Individuals, couples and communities must have access to timely, up-to-date and accurate reproductive health information on which to base choices that affect their bodies and their lives.

At the same time, positive role models, best practices and success stories also encourage people to make better reproductive choices and change their lives.

In this regard, the use of popular culture – through the entertainment – education approach – plays a crucial role. Our experience in UNFPA shows that this approach is especially relevant for issues that require changes in social and cultural norms, like gender-based violence, socialization of boys, male involvement in reproductive health, STD/HIV and AIDS prevention and adolescent reproductive health.

Like a double – edged sword, however, popular culture can cut both ways. It can enlighten and inform, or it can obfuscate and keep people in ignorance. It can promote positive roles models, or it can perpetuate stereotypes and prejudices.

What is traditional can be useful and provide a sense of security, safety and stability amid rapid changes in society. On the other hand, by propagating stereotypes, erroneous information and harmful practices, it can crush the human spirit and destroy the lives and health of peoples, especially women and young people.

According to Nobel Prize winner Wole Soyinka, “Culture is a matrix of infinite possibilities and choices. From within the same culture matrix we can extract arguments and strategies for the degradation and ennoblement of our species, for its enslavement or liberation, for the suppression of its productive potential or its enhancement.”

Herein lies the potential of the popular novel Bukal sa Dibdib by the renowned local romance writer Maia Jose, which the World Health Organization has supported.

The novel conveys positive messages on women’s empowerment, safe motherhood, breastfeeding and reproductive choice and does it in a manner very accessible to the lay woman or man who reads the novel.

The struggles and triumphs of the main character, Mayang, provides a positive role model as she faces various life challenges – as a woman, and as an empowered individual.

This work in print is another valuable addition to the treasure chest of knowledge and practice that would promote, protect and defend the human rights – sexual and reproductive rights among them – of every Filipino woman, man and young person.

Kudos to the staff of WHO and all who have made this project possible.

- SUNEETA MUKHERJEE, Representative, United Nations Fund for Population Activities (UNFPA)

MESSAGE


In our effort to widely disseminate information on the benefits of infant breastfeeding among women in communities, the use of the romance novel is a new and creative approach.

We know how women enjoy reading romantic paperback novels that provide them with both entertainment and hope for a better life. An often overlooked aspect of the genre, however, is its ability to be a medium for imparting ideas and information in a way that is easily understood and more readily accepted by its readers because of its emotional impact.

This novel was written by Ms. Maia Jose who is well-known as a romance author in the Philippines, with over 90 bestselling romance paperback titles since 1992. Among these is a romance novel trilogy, “Hawlang Apoy” (Cage of Fire), sponsored by a Philippine women’s non-governmental organization and an international foundation to tackle sensitive women’s issues such as prostitution, mail order bride syndicates and the trafficking of women. She is, therefore, experienced in successfully maximizing the romance novel as a vehicle for advocacy.

We hope that this romance novel, “Bukal Sa Dibdib” (Heart’s Spring), sponsored by the Department of Health of the Philippines , the United Nations Fund for Population Activities and the World Health Organization, will enlighten its readers – both women and men – on the importance of infant breastfeeding for a family’s health and emotional well-being.

Some may think that romance and infant breastfeeding are not very compatible concepts. They are, in fact, very complementary because genuine romance, after all, is about creating a loving family in which infant breastfeeding is a beautiful and natural development.

Happy reading!

- Dr. Jean-Marc Olivé, Country Representative, WHO Philippines

Chapter 1

“Diyan na lang ho sa tabi, Manong,” sabi ni Mayang sa taxi driver.

Walang gaanong nagbago sa paligid kahit pagkaraan ng halos limang taon. Mabuti na lang. Hindi pa rin siya maliligaw.

Kabisadong-kabisado ni Mayang ang Sitio Bukangliwayway dahil dito nakatira ang best friend niyang si Lucy. Best friend niya noong college.

Lagi sila noong tumatambay sa bahay nina Lucy. Kahit barung-barong lang iyon, mas masaya doon si Mayang kaysa sa dorm.

Ang totoo, mas masaya pa nga siya roon kaysa sa mga bahay nila sa Davao. Kahit pa sabihing mansyon ang bahay nila sa Davao City at hacienda naman ang tinitirhan nila sa Tagum.

Dito sa Sitio Bukangliwayway sa may likuran ng UP Diliman sa Quezon City, naranasan ni Mayang kung paanong maaaring lumigaya ang tao kahit mahirap ang buhay. Ang mas mahalaga sa mga tagarito ay nagkakaisa’t nagmamahalan ang bawat pamilya. Bukal sa dibdib ang pagkakaibigan ng magkakapitbahay sa komunidad.

Inako siyang parang kapamilya na rin ng mga magulang at kapatid ni Lucy. Inampon siya ng buong komunidad.

Dahil kina Lucy at sa halos lahat ng mga taga-Sitio Bukangliwayway, hindi naranasan ni Mayang na ma-homesick kahit habang naka-dorm sa UP.

Ilang Pasko nga noon na mas gusto pa sana niyang manatili na lang rito sa Sitio Bukangliwayway kaysa umuwi sa Davao o sumama sa kanyang mga magulang nang dalawang linggo sa States.

Sa Davao kasi, isasama lang naman siya ng kanyang Mama at Papa sa kabi-kabilang parties na panay payabangan ng handa, kasuotan at regalo. Sa States naman, magme-media noche lang sila sa pinakabagong mamahaling restaurant na kung saan sila mapapaligiran ng mga estranghero. Pagkatapos, mapapagod lang siya sa kabubuntot sa shopping spree ng kanyang Mama.

Sa Sitio Bukangliwayway, ayon sa mga kuwento ni Lucy, kahit simple lang ang pagkain ay nagsasalu-salo pa rin ang magkakapitbahay. Hindi man nila kayang mag-exchange gifts, masaya pa rin sila sa halos magdamagang kantahan at sayawan.

Mas type ni Mayang ang selebrasyon sa Sitio. Nanghihinayang siya’t hindi niya nagawa noon na makapag-Pasko rito. Kahit ano’ng pakiusap kasi niya sa kanyang mga magulang ay hindi siya pinagbigyan ng mga ito ni minsan.

Hindi na bale. Bakasakali na lang na sa pagkakataong ito ay magawa na rin niya iyon. At kung hindi pa rin, susulitin na lang niya ang panahon ng kanyang pananatili sa komunidad.

Kakatwa na pakiramdam ni Mayang ay umuuwi siya sa halip na lumuluwas. Parang santuwaryo sa kanya ang Sitio. Dito niya balak idulog ang kanyang namumroblemang puso.

Tinulungan ang dalagang pasahero ng taxi driver na maibaba ang kanyang bagahe. May isang malaking sports bag ng kanyang mga damit at personal na gamit. May isang malaking kahon ng mga libro at sari-saring teaching aids. May isa pang malaking kahon ng mga pasalubong.

Nakaalis na ang taxi nang mapansin ni Mayang ang isang pagbabago sa bungad ng Sitio Bukangliwayway. Wala na sa inaasahan niyang puwesto ang hilera ng mga tricycle. Mas malayo na ang kinaroroonan ng mga ito.

“Patay!” inis na bulong ng dalaga sa sarili.

Dito niya pinapara ang taxi dahil dito ang alam niya noon na pondohan ng masasakyang tricycle patungo kina Lucy. Akala niya kanina ay naubos lang ang mga nakapila at kailangan lang niyang maghintay nang sandali. Huli na nang makita niya ang bagong pondohan sa dako pa roon.

Hindi niya kayang bitbitin ang kanyang bagahe hanggang doon. Sayang at hindi siya nakapagdala ng trolley na mapaglulunan sana ng kanyang bag at mga kahon.

Malas niya lang at nagkataon pa man ding magtatanghaling tapat na dahil inabot ng mahigit dalawang oras ang kanyang biyahe mula domestic airport. Grabe ang traffic.
Nasa kainitan ang araw. Matutusta siya kapag nanatiling nakabilad sa kalye.

Nagpalinga-linga ang dalaga, umaasa na may mamataang mga binatilyo na puwede niyang bayaran para tumulong sa kanyang magbitbit. Alam niyang maraming teenagers sa komunidad na listong nag-aabang sa anumang pagkakataon na maaari nilang mapagkakitaan.

Pagtingin niya sa gawing kaliwa, ang nakasalubong ng kanyang paningin ay isang lalaking hindi na teenager. Hindi ito nalalayo sa kanyang edad, at siya ay beinte singko na.

Nakasandal ang binata sa poste, nakangiti nang malapad sa kanya. At kumindat pa.

Agad na nagbawi ng tingin si Mayang. Pairap. Napreskuhan siya sa binata.

Binata. Iyon agad ang tumimo sa isip niya. Pormang-binata kasi.
At sa kanyang tantiya ay hindi ito taga-Sitio Bukangliwayway. Ibang-iba ang porma nito sa mga tagaroon.

Pawang mahihirap ang mga nakatira sa Sitio. Simpleng manamit at mag-ayos sa sarili. Walang ekstrang panggastos para sa mga luho.

Mismong si Mayang ay nakikibagay kapag pumaparito. Sadyang hindi siya nagsusuot o nagdadala ng mamahaling mga damit at gamit. Ayaw niya na magmukhang mayabang.

Kunsabagay, hindi naman talaga siya maluho sa ganoong mga bagay. Mama lang niya ang nagpipilit na ibili siya ng mga designer brands.

Pinipili lang ni Mayang ang mamahaling gamit kapag talagang iyon ang mas mahusay o mas matibay.

Ngayon nga ay naka-capri pants lang siya na maong at light pink na baby tee. Parehong nabili sa SM Department Store. Naka-flipflops siya na itim. Galing tiyangge sa gitna ng mall.

Ang hikaw niya, maliliit na silver hoops. Wala na siyang ibang alahas. Ang kanyang relo, simpleng itim na Swatch na puwedeng mabasa at hindi delikado.

Hindi nagmi-makeup si Mayang. Baby powder lang ang pang-alis niya ng pangingintab ng mukha at Vaseline lip balm ang panggamot sa panunuyo ng mga labi. Lokal na baby cologne naman ang kanyang pabango.

Ang diretso at lampas-balikat niyang buhok ay hindi niya kailanman pinakulayan o pinakulot. Kung hindi ito nakalugay lang nang natural ay naka-ponytail o nakataas at naka-clamp. Ngayon ay nakalugay ito.

Ang binata namang nakasandal sa poste ay nakabalot sa mamahaling imported brands mula t-shirt hanggang pantalon at sapatos. Iyon pa namang nakabalandra ang mismong brand para mabasa ng lahat.

Palibhasa sanay si Mayang na napapaligiran ng mga taong ganoon manamit sa pinagmulan niyang komunidad sa Davao, sa isang sulyap lang ay halata na niyang orig at hindi peke ang mga iyon.

Kinulayan pa ang buhok ng binata na ang gupit ay mahabang tusok-tusok na parang karakter sa anime. Hindi rin ito nakuntento sa iisang kulay lang. Mga apat na magkakaibang shade ng brown at blonde ang nagpapaligsahan sa mga hiblang nakatikwas sa kung saan-saan.

Hindi inaasahan ni Mayang na makakita ng ganoong porma mula sa isang taga-Sitio Bukangliwayway. Malinaw para sa kanya na tagalabas ang binata kaya wala siyang tiwala rito.

Nakita niya mula sa sulok ng kanyang mga mata na dumiretso nang tindig ang binata. Nagsimula itong humakbang patungo sa kanya.

Lalong nagdilim ang mukha ni Mayang. Kung may balak ang binatang ito na kausapin siya, humanda na itong masupalpal. Wala siyang panahong makipagbolahan sa mga tulad nito. Ngayon pa namang aburido siya at literal na mainit na ang ulo niya.


KANINA pa naaaliw si Donat habang pinapanood ang magandang miss na umibis mula sa taxi.

Halata niyang “miss” pa ito. Dalagang-dalaga ang hitsura at hubog ng katawan. At sa tantiya niya’y di nalalayo sa kanya ang edad.

Malaki nga ang problema nito. Hindi nito kayang dalhin ang mga gamit hanggang sa pondohan ng mga tricycle. Hindi naman nito makawayan ang mga tricycle para lumapit dahil nakatalikod ang mga iyon, nakaharap sa kabilang kalye na kung saan naroon ang jeepney stop. Doon siyempre nagmumula ang karamihan ng mga pasahero. Ibang ruta lang ang dinaanan ng taxi ng minalas na dalaga.

Hula ni Donat ay sa looban ng Sitio Bukangliwayway patungo si magandang miss. Kasi kung sa gawing bungad lang ang destinasyon nito, sana ay nagpahatid na sa taxi hanggang sa mismong pupuntahan. Pero sa looban ay hindi na puwedeng makapasok ang taxi. Makikitid na ang mga eskinita.

Kaninong kamag-anak kaya ang dalaga? Kakilala niya ang halos lahat ng tagaroon. Hindi na siya mahihirapang pumorma.

Balak agad niyang pormahan ang bagong dating na dalaga. Natipuhan niya agad ito. Simpleng-simple lang pero natural ang ganda. Hindi nakakasawang pagmasdan.

Kahit inirapan siya kanina, hindi nasiraan ng loob si Donat. Natural lang iyon, sabi niya sa sarili. May mga dalaga naman talaga na pa-aloof kunwari ang panimulang drama, batay sa karanasan niya. Pero sanay siya na madali niyang nai-impress ang mga babae. Walang ka-effort-effort.

Dahil may problema ang dalaga, knight-in-shining armor to the rescue naman ang drama ni Donat. Nilapitan niya ito.

“Hi!” buo ang loob na bungad niya, nakangiti pa rin. “Papasok ka ba sa Sitio Bukangliwayway? Tagaroon ako, e. Tulungan na kita. Ako nga pala si Donat.”

Inaasahan niyang bukod sa ngingiti at magpapakilala rin sa kanya ang dalaga ay magpapasalamat pa ito sa alok niyang tulong. Pero nagkamali siya.

Tiningnan siya nito nang masama – mula ulo hanggang paa at pabalik pa.

“Taga-Sitio Bukangliwayway ka?” parang hindi makapaniwalang sabi nito.

Nakakainsulto ang asta at pati tono ng pananalita ng dalaga.

Hindi likas na pikon si Donat, lalo na sa mga babae. Hindi niya alam kung bakit sa pagkakataong iyon ay biglang pikon na pikon siya.

Hindi rin likas na basagulero si Donat. Ni minsan sa buong buhay niya ay hindi pa siya nasangkot sa suntukan. Pero sa mga sandaling iyon naisip niyang kung naging lalaki lang ang kanyang kaharap ay baka pinatulan na niya. Para kasing nananadya ito at talagang naghahanap ng away.

Ang ayos-ayos ng lapit at alok niya, ganoon ang ibabalik sa kanya?

Pero hindi nang-aaway ng babae si Donat kaya iba ang naisip niyang ganti. Hindi siya mambabastos – kahit kailan naman ay hindi pa siya nambastos ng babae – pero lalo niya itong iinisin.

“Bakit, ngayon ka lang ba nakakita ng – ehem – guwapo at simpatikong taga-Sitio Bukangliwayway?” ganting tanong niya rito.

Ginawa pa niyang mas pilyo ang kanyang pagkakangiti.

Hindi siya sinagot ng babae. Basta’t ibinaling lang nito sa ibang direksyon ang paningin. Para bang hindi siya karapatdapat bigyang-pansin.

Lalong napikon si Donat pero hindi siya nagpahalata.

“Marami kang dala,” pagpapatuloy niya. “Mabibigat pa. Hindi mo mabibitbit ang mga ito. Kailangan mo ng tricycle. At hindi kakasya ang mga ito sa isa lang. Kailangan dalawa.

“Ang una mong problema ay kung paano mo madadala ang mga ito sa pila ng mga tricycle. Matutulungan kita. That is, kung papayag ka.”

Bahagya pang nakataas ang kilay ng dalaga nang muli siya nitong tingnan.

“Hindi mo kayang bitbitin ang mga iyan,” matabang na sagot nito.

“Hindi ko naman kailangang bitbitin,” sagot niya habang naglalabas ng cellphone. “Hindi ka nila makikita kahit kawayan mo sila mula rito. Pero matatawagan ko sila. Kaibigan ko sila, e. Mapapapunta ko ang dalawang tricycle dito. O ano, payag ka bang magpatulong sa akin?”

Nakita niyang natigilan ang dalaga. Nag-isip. Nalagay sa alanganin.

Lalo pang nanudyo si Donat.

“Pero kung ayaw mong magpatulong, hindi naman kita pipilitin,” dagdag niya.

“Ahm…sige. Okay,” halata pa rin ang pagkainis na napipilitang habol nito.

“At your service, Ma’am,” panalo ang ngiting sabi niya habang sinisimulan ang pagtawag sa cellphone.

Lalo namang sumama ang mukha ng mataray na dalaga.

Chapter 2

Nanggagalaiti si Mayang. Bwisit na bwisit siya sa sitwasyon. Wala naman siyang magawa. Wala siyang choice.

Kung magmamatigas siya, hindi naman siya sigurado kung may makikita siyang ibang taga-Sitio na puwede niyang hingan ng tulong. E nagsisimula nang sumakit ang ulo niya sa init ng araw.

Nakakahiya naman kung tatawagan niya sa cellphone si Lucy. Masyado nang malaki ang utang na loob na hihingin niya rito sa kanyang pagtira sa Sitio. Abuso na kung magpapasundo pa siya.

Nakumpirma naman niya na talaga ngang taga-Sitio Bukangliwayway ang mahanging si Donat. Pagdating ng dalawang tricycle, ito agad ang binati ng mga driver.

“Wazzup, Donat?” pakenkoy na tanong ng isa, ginagaya si Vhong Navarro.

“Papasok siya sa looban, sa may atin,” sagot ng binata.

“Kina Lucy at Caloy Torres,” dagdag ni Mayang.

Iyon kasi ang bilin sa kanya ni Lucy. Alam daw ng mga tricycle driver ang bahay nito.

Ang alam lang palibhasa puntahan ni Mayang ay iyong bahay ng mga magulang ni Lucy. Pero may sariling pamilya na ang best friend niya at nagsarili na rin.

Hindi siya nakapunta sa kasal nito dahil pinauwi siya agad sa Davao pagkatapos ng graduation. Hindi na siya pinayagang lumuwas uli nang ikasal sina Lucy pagkaraan ng isa’t kalahating taon. Hindi tuloy niya alam ang bahay nina Lucy at Caloy.

Pero kilala niya si Caloy. Boyfriend na ito ni Lucy kahit noong nasa college pa sila. Sa katunayan ay boyfriend na ito ni Lucy magmula pa raw noong high school.

Botong-boto si Mayang kay Caloy. Kahit vocational na electronics course lang ang kinuha nito habang si Lucy ay scholar sa UP ay hindi nagbago ang pagmamahalan ng dalawa. Naging saksi siya sa kung paano nagsikap at nagsipag si Caloy sa paghahanapbuhay kahit noong sila ni Lucy ay nag-aaral pa. Napakaresponsableng tao nito at gagawin ang lahat para sa kaligayahan at kinabukasan ng best friend niya.

Sabik na sabik na siyang makitang muli ang dalawa, at makita sa unang pagkakataon ang tatlong anak ng mga ito.

“Kamag-anak mo sina Lucy at Caloy?” parang gulat na sabi ni Donat. “Sino sa kanila? Magkaanu-ano kayo?”

Gusto sana niyang isagot na “Wala ka nang pakialam doon” pero naalala ni Mayang na tinulungan siya ng mayabang na binata.

“Hindi kami magkakamag-anak,” kahit napipilitan ay isinagot na rin niya. “Magkakaibigan kami. Mag-best friends kami ni Lucy noong college.”

“Uy! Magkakaibigan din kami,” mas malapad na ang ngiting sabi ni Donat. “Best friend ko rin si Caloy. Tiyempo, ah. Sa kanila ka ba titira?”

Muli, napipilitang tumango si Mayang.

“Good,” tango ng binata. “Ihahatid na kita. Doon ako sa isang tricycle. Sasabayan ko ang mga kahon mo. Aangkas na lang ako.”

Hindi makatanggi si Mayang.

“Teka nga pala, ano na nga ang pangalan mo?” biglang baling uli ni Donat sa kanya. “Nagkakalimutan yata tayo. Nagpakilala na ako pero hindi mo pa nababanggit ang pangalan mo. Ito nga pala si Bong at ito naman si Perry.”

Itinuro ng binata ang bawat isa sa mga tricycle driver. Iyon palang gumagaya kay Vhong Navarro ay katukayo nito.

Hindi niya natatandaang nakilala niya ang mga ito sa pagpunta-punta niya noong araw sa Sitio Bukangliwayway. Mga baguhan siguro, kasama nitong preskong si Donat, naisip niya.

Magiging bastos na si Mayang kung hindi siya magpapakilala.

“Marianne,” sabi na rin lang niya. “Marianne Isla.”

Iyon ang tunay niyang pangalan. Kay Lucy nagmula ang palayaw na Mayang at iyon na ang naging tawag sa kanya ng mga kaibigan nila sa UP at sa Sitio. Iyon na rin ang tawag niya sa kanyang sarili.

Pero sa kanyang pamilya – na laging pormal at de numero – at sa mga kakilala nila sa Davao, siya si Marianne. At sa mga taong dinidistansiyahan pa niya, Marianne din ang ibinibigay niyang pangalan.

“Nice meeting you, Marianne,” sabi ni Donat. “Sakaling nakalimutan mo, ako si Donat. Jonathan de la Cruz, 26 years old, single and very much unattached.”

“Pakialam ko,” gustong isagot ni Mayang, pero ngumiti lang siya nang matabang.

Tumatakbo na ang tricycle nang tawagan ni Mayang si Lucy.

“Malapit na ako,” sabi niya rito.

Malakas na tili ang isinagot nito na halos nakabasag sa kanyang eardrum.


MAHIGPIT ang yakapan nina Mayang at Lucy pagkaibis na pagkaibis ng dalaga sa tapat ng bahay ng kaibigan.

“Miss na miss na kita, Mayang!” tili pa rin ni Lucy.

“Ikaw rin, miss na miss kita!” sagot ng dalaga. “Naku, Mrs. Lucy Torres ka na nga talaga! Natupad nga ang pangarap mong maging Lucy Torres ang pangalan mo.”

Tawanan sila.

“Oy, huwag kang maingay at baka isipin ng mga tao na iyon lang ang dahilan kung bakit pinangasawa ko si Caloy,” biro ni Lucy.

“Aba, alam naman ng lahat ng tagarito na hindi pa nga nililigawan ni Richard si Lucy, kayo na talaga ni Caloy,” depensa naman ni Mayang.

“At wala nang ibang niligawan si Caloy ko kundi ako lang,” pagbibida pa ng ginang.

“Love na love ka naman talaga niyon, e,” sang-ayon ni Mayang.

“Kahit ‘ka mo ganitong lumba-lumba na ako pagkatapos manganak nang tatlong sunud-sunod,” sabi ni Lucy.

“Aba, dapat lang,” sagot ni Mayang. “Kasalanan niya iyon, e.”

Tawanan uli sila.

Si Donat na ang nagpababa ng mga gamit ni Mayang. Napansin na lang ng dalaga na umandar nang papalayo ang dalawang tricycle.

“Teka, hindi pa ako nakakapagbayad!” pasigaw na habol niya sa mga ito.

“Okay na,” sagot ni Donat na nanatiling nakatayo sa isang tabi. “Bayad na sila.”

“Sorry, nag-abono ka pa,” nahihiyang sabi ni Mayang. “Magkano ba?”

Naglabas siya ng wallet mula sa kanyang belt bag.

“Wala iyon,” iling ni Donat. “Sagot ko na. No problem.”

Nagulat si Mayang.

“Ha? Hindi puwede. Babayaran ko,” giit niya.

Si Lucy na ang namagitan sa kanila.

“Hayaan mo na, friend,” sabi nitong nakatawa. “Rich itong si Donat. Kayang-kaya niya iyon. Pagbigyan mo na.”

Mayabang talaga ang loko, gigil na naisip ni Mayang.

Pero ang tanging nasabi niya ay, “Di thank you na lang.”

“Nilulubos ko lang ang pagtulong,” sagot ng binata. “At kukumpletuhin ko na sa pagpasok nitong mga gamit sa bahay.”

Isinukbit nito ang sports bag at binuhat ang isa sa mga kahon na para bang hindi iyon kabigatan.

“Huwag n’yong gagalawin iyang isa pa,” bilin nito bago humakbang papasok ng bahay. “Babalikan ko iyan.”

“Sabi mo, e,” sagot ni Lucy. “Tena sa loob, Mayang.”


“OOPS, dahan-dahan,” sabi ni Mayang habang ibinababa ni Donat ang pangalawang kahon sa salas.

Gusto na talagang mabanas ng binata.

“Sorry, Ma’am Marianne,” may himig ng pagkasarkastikong sagot niya rito.

Idiniin pa niya ang pagbigkas sa pangalang “Marianne” tulad ng pagpapakilala nito.

Nagpakasosyal pa kasi, “Mayang” lang din naman pala ang palayaw.

“Mabigat yata, ano?” salo ni Lucy.

Doon lang parang nakaramdam si Mayang.

“Pasensiya ka na sa bigat niyan,” sabi nito sa kanya. “Mga prutas at bottled preserves kasi ang laman. Pasalubong.”

“Uy, talaga?” sabi ni Lucy.

“Siyempre naman. Hindi ko yata nakakalimutang paborito mo ang suha, mangosteen, rambutan at marang ng Mindanao,” sagot ni Mayang sa kaibigan. “At naaalala ko pa rin na ayaw mo ng fresh durian pero gustung-gusto mo iyong bottled durian preserves.”

“E paano namang hindi ako matututong maghanap ng mga iyon, e laging sa akin mo ipinapasa ang mga padala sa iyo ng parents mo noong college. Malay ko ba dati sa mga prutas na iyan?” parang nanunumbat pang pakli ni Lucy. “Kaya nga pati sina nanay, tatay at mga kapatid ko, natutong magkahilig sa mga prutas-Mindanao.”

“Pero alam mo ba ang ginawa nitong babaeng ito noong nakauwi na sa Davao?” dagdag na pagbibida ni Lucy kay Donat. “Buwan-buwan pa rin kaming pinapadalhan ng package ng fruits. Kaya pati na rin mga anak ko, matatakaw sa mga prutas ng Davao.”

“Sobrang sweet nga raw talaga basta galing Davao,” may kapilyuhang sabi ng binata. “Pero may maasim din yatang nasasama paminsan-minsan.”

“Hindi,” pataymaling iling ni Lucy. “Matamis talaga. Siguradong mai-in love ka sa sobrang sarap. Tara, buksan na natin ang kahon para maka-share ka rin naman sa pinaghirapan mong buhatin.”

“Naku, huwag n’yo na akong alalahanin,” nakataas ang dalawang palad na tanggi niya.

Nakita kasi niya sa ekspresyon ng mukha ni Mayang na parang hindi ito natuwa sa sinabi ng kaibigan.

“Asus, huwag na ngang maarte,” saway sa kanya ni Lucy. “Para namang hindi ko pa bistado ang katakawan mo. E partner ka ng asawa ko sa paglamon, hindi ba? Hala, pagtulungan na lang nating buksan ito.”

Tumatawang sumunod na rin si Donat.

Iyon ang gustong-gusto niya kay Lucy. Wala itong kiyeme at napakatotoong tao. Katulad din ito ng asawang si Caloy. Kaya nga napamahal na nang husto sa kanya ang mga ito.

Pero nagtataka siya kung paanong naging mag-best friends sina Lucy at Mayang.

Suplada at mataray si Mayang. Ibang klase rin ang kayabangan nito. Para bang napakababa ng tingin sa kanya.

Buweno, tatanggapin niya ang prutas na bigay ni Lucy para lalong mairita si Mayang.

Akala niya kanina, sapat na ang kanyang pagganti sa dalaga. Akala niya, sapat nang napilitan itong tumanggap ng tulong niya para ito mapahiya at lumambot ang loob.

Pero sa kabila ng lahat, nanatiling matayog si Mayang. Kaya hindi pa tapos ang laban.

Hindi naman siya makakapayag na pagmamataasan na lang siya lagi ng bisita nina Lucy at Caloy. Hindi rin siya papayag na dahil lang naroon si Mayang ay iiwas na siya sa kanyang mga kaibigan para lang makaiwas sa dalaga. Kaya siguradong magkikita at magkikita sila nang madalas.

Pasensiya na lang si Mayang kung patuloy niya itong sadyang iinisin.

Nakatawa pa rin si Donat nang mabuksan niya ang kahon na selyado ng isang rolyo yata ng packaging tape.

“Hmmm, ang bango, ah,” sabi niya. “Nakakatakam.”

“O, tikman mo silang lahat,” sabi ni Lucy.

Inabutan siya nito ng plastic bag na nilamnan ng sari-saring prutas.

“Thank you, ha?” sagot ni Donat. “Ang thoughtful naman.”

“Panapat lang iyan sa pagtulong mo sa akin,” sabi ni Mayang.

Natigilan si Donat.

Wala talagang tigil ang babaeng ito sa pang-uuyam sa kanya. Hindi niya kayang palampasin ito.

“I’m sorry pero hindi ko ito matatanggap bilang kabayaran,” iling ng binata. “Kung bayad ito, ibabalik ko na lang. Simpleng pasasalamat lang ang tinatanggap kong sukli kapag tumutulong ako.”

Nakita niyang namula ang mga pisngi ni Mayang. Tinatablan din pala ng hiya.

“Hindi naman ganoon ang ibig kong sabihin,” bawi agad ng dalaga. “Nagpapasalamat ako siyempre sa lahat ng ginawa mong tulong. Hindi bayad iyang mga prutas kundi ganting pasasalamat. Ituring mo na rin sanang pasalubong iyan.”

“Kung ganoon, thank you uli,” nakangiting sabi ni Donat.

Hah! Nakaiskor din siya. Agad na siyang nagpaalam, habang nakakalamang pa.

Chapter 3

Nakakahiya kay Lucy kaya tinimpi na lang ni Mayang ang kanyang galit. Tutal naman, umalis na ang luko-luko.

Pero gustung-gusto na niyang awayin si Donat kanina. Siya pa ang pinalabas nitong hindi marunong magpasalamat. Siya pa ang nagmukhang bastos at walang modo.

Kailangang ibaling niya sa ibang bagay ang kanyang isip para hindi siya magngitngit.

“Teka, si Caloy at ang mga bata nga pala, nasaan?” tanong niya kay Lucy.

“Nasa trabaho si Caloy, diyan sa may Commonwealth,” sagot ng maybahay. “May bagong bukas na branch ang surplus shop na pinapasukan niya. Lagi silang puno ng buyers kasi murang-mura talaga ang reconditioned na appliances galing Japan. Mamaya pa ang uwi niyon. Nagbabaon na lang ng pananghalian. Ang mga bata naman, nasa itaas. Binabantayan ni Nanay.”

Umilaw ang mga mata ni Mayang.

“Andito si Nanay?” sabi niya. “Ba’t di mo sinabi agad? Miss ko na siya. Tara, puntahan natin.”

“Nanay” na ang tawag niya sa ina ni Lucy, noon pa.

“Pumaparito siya para tulungan akong mag-alaga ng mga bata,” pagkukuwento ni Lucy. “Mabuti na lang nga at ilang kanto lang ang pagitan nitong bahay sa kanila.”

Nagmamadaling pumanhik ang dalaga sa ikalawang palapag ng payak na tahanan. Inabot niyang nag-uugoy ng duyan si Aling Pining, katulong ang apong babae na tatlong taong gulang habang kandong ang apong lalaki na isa’t kalahating taong gulang.

“Nanay!” pigil ang lakas ng boses na tawag ni Mayang.

Nag-iingat siyang huwag magising ang tatlong buwang baby girl ni Lucy na natutulog sa duyan.

Yumukod at yumakap si Mayang sa matandang babaeng nakangiti nang maliwanag sakanya.

“Miss na miss ko na po kayo,” taos-pusong pahayag niya.

“Ikaw rin, anak, miss na miss ka namin,” sagot nito. “Ang tagal mong nawala.”

“Andito na po ako ngayon at magtatagal ako rito,” pangako ng dalaga. “Makikilala ko na rin itong mga cute na mga batang ito.”

Nakayakap na kay Lucy ang panganay nitong anak.

“Ito si Gabriela,” pagpapakilala ng ina. “Ang tawag namin sa kanya, Elay. Andres naman ang pangalan ng aming baby boy. Ang tawag namin sa kanya, Andoy. Ang baby namin, si Malaya. Ang palayaw niya, Aya.”

Binalingan ni Lucy ang dalawang nakatatandang mga anak.

“Siya si Tita Mayang,” paliwanag nito. “Dito siya titira, kasama natin.”

“Pwede bang maka-kiss?” tanong ni Mayang sa mga bata.

Nahihiyang ngumiti nang bahagya at tumango si Elay.

Hinagkan niya ito sa pisngi.

“Hmm, ang bangu-bango naman ng little girl,” sabi niya.

Binalingan niya si Andoy na nakatingala na agad nang nakangiti sa kanya. Hinagkan niya rin ito sa pisngi.

“Hmm, ang bango rin,” sabi niya.

Nagsimulang umingit ang sanggol na nasa duyan.

“Naku, sorry, nagising yata sa boses ko,” pag-aalala ni Mayang.

“Hindi, nagugutom lang iyan,” sagot ni Lucy.

Kumalas dito si Elay at kinaon ng batambatang ginang ang bagong gising na bunso mula sa higaan.

“Magpapadede muna ako,” sabi nito. “Mauna na kayong mananghalian sa ibaba.”

“Hindi pa ako gutom kaya hihintayin na kita,” sagot ni Mayang. “Ano ba’ng gatas ni Aya at ang bilog-bilog niya?”

“Aba, breastfed baby yata ito,” may pagmamalaking pahayag ni Lucy. “Purong breastmilk ko lang ang tanging pagkain at inumin niya.”

“Wow, talaga?” gulat na sambit ni Mayang.

“O siya, mauuna muna kami sa ibaba at pakakainin ko na itong dalawang bata,” paalam ni Aling Pining. “Maghalili na lang tayo mamaya, Lucy, pagkatapos dumede ni Aya.”

“Sige po,” sagot ng magkaibigan.

Naupo si Lucy sa gilid ng kama at nagsimulang magbukas ng blusa. Maingat nitong ipinuwesto si Aya para makasuso nang maayos ang sanggol.

Nakadama si Mayang ng parang pinong kurot sa kanyang puso habang pinagmamasdan ang mag-ina. Naisip tuloy niya, ito ba ang tinatawag na mother’s instinct?

Sa edad niyang beinte singko, handa na ang kanyang katawan na maging ina. Pero handa na rin ba siya?

Parang kinatatakutan ni Mayang na harapin ang katanungang iyon. Para mailigaw ang sariling isipan, iba ang itinanong niya kay Lucy.

“Hindi ba mahirap mag-breastfeed?”

“Noong simula, nahirapan ako,” amin ni Lucy. “Hindi kasi ako sanay palibhasa hindi ako nag-breastfeed nang matagal kina Elay at Andoy. Mga ilang araw lang. Diretso na agad sa bottle feeding. Akala ko kasi noon, iyon ang the best. Lalo na kung mamahalin ang gatas.

“Buti na lang nalaman ko na mas mabuti pala talaga sa mga bata ang purong gatas ng ina. May panlaban sa mga infection at iba pang sakit. Pampalakas ng resistensiya nila. At, siyempre, mas masustansiya pa bukod sa libre.

“Sanayan lang talaga. Noong hindi ko pa alam kung paano ipupuwesto nang tama si Aya, hindi siya nakakasuso nang maayos at nasasaktan ako. Hindi pala nakasubo nang husto.

“Kailangan daw, malaki ang buka ng bibig ng baby para marami siyang nakukuhang gatas at hindi nasasaktan ang ina. Dapat din, nakaharap ang mukha ng baby sa dibdib ng ina at diretsong naka-align ang ulo at katawan ng bata habang yakap ng ina.”

“Ang dami namang mga dapat,” sabi ni Mayang.

“Sus, napakadali lang namang makasanayan,” sagot ni Lucy. “Saka marami namang nagtuturo sa health center. Kapag nailapat na nang tama ang bata, natural nang sususo iyan. Mahahanap n’yo ring mag-ina ang posisyon na kumportable at hiyang sa inyo. Kapag nagkasanayan na kayo, ang sarap ng feeling, makikita mo. Maginhawa.”

Biglang natawa si Lucy.

“Ay, dalaga ka pa nga pala,” habol nito. “Ikakasal pa lang.”

Pilit ang ngiting isinukli ni Mayang.

Napansin agad iyon ng kaibigan.

“Naku, sorry, friend,” agap nito. “May problema ka nga pala. Nagdadalawang-isip ka na ba talaga kay Santi?”

Nalukot na agad ang mukha ni Mayang. Hindi na niya napigilang maiyak.


NAGING boyfriend ni Mayang si Santi hindi dahil mahal niya ito o sinagot niya ito kundi dahil inireto ito sa kanya ng kanyang mga magulang pagkagraduate niya sa college.

Anak si Santi ng pinakamalapit na kaibigan ng kanyang Mama’t Papa. Katulad niya, galing din ito sa isa sa mga pinakamayamang angkan sa Davao. Agribusiness din ang larangang pinaghaharian.

Solong heredero si Santi. Unico hijo.

Sabi ng kanyang Mama, bagay daw sila dahil bunso naman siya at solong babae sa kanilang tatlong magkakapatid. Para na rin daw siyang unica hija.

Kunsabagay, pakiramdam nga ni Mayang madalas, only child siya. Malayo kasi ang agwat ng kanyang edad sa kanyang mga kuya. Sampung taon sa panggitna at labindalawang taon sa panganay. Hindi na niya nakalaro o nakabarkada ang mga ito.

Siyam na taong gulang pa lang siya nang nag-asawa ang panganay nila pagka-graduate sa college. Kinse anyos naman siya nang mag-asawa ang isa pa niyang kuya.

Nasanay na si Mayang na laging nag-iisa. Wala rin naman kasing gaanong panahon para sa kanya ang mga magulang na laging abala sa negosyo.

Naniwala si Mayang nang sabihin ng kanyang Mama na, “You have so many things in common with Santi kaya siguradong magiging compatible kayo. You’ll understand each other perfectly.”

Siguro, madali siyang napapaniwala dahil hindi pa siya nagka-boyfriend sa buong buhay niya.

Ni wala siyang naging crush na matindi. Panay mabababaw na paghanga lang. At sa buong college life nila ay inggit na inggit siya sa samahan nina Lucy at Caloy. Nangarap siya na magkaroon din ng ganoong lovelife.

Umasa siyang “mother knows best” at si Santi na nga ang kanyang “perfect match.”

Umasa rin siya na ang kanyang pagsunod ay maging pagkakataon para mag-bonding silang mag-ina nang ganap na tulad nila ni Aling Pining.

Hindi naman mahirap magustuhan si Santi. Kilala na niya ito mula pagkabata dahil laging nagkakasama ang kanilang mga pamilya sa mga pagtitipon. Magkaiba nga lang sila ng eskuwelahan dahil kapwa nasa exclusive school na hindi coed mula elementarya hanggang high school. Sa college naman ay sa Ateneo ito nag-aral habang nasa UP siya. Ni hindi sila nagkita.

Nang muling nagtagpo sina Mayang at Santi sa Davao pagka-graduate, guwapo pa rin ang binata palibhasa tisoy. Matangkad na ito nang di hamak kaysa sa natatandaan niya. Mas maganda na rin kaysa dati ang pangangatawan.

Magaling na itong athlete. Champion sa car racing. Mountain climber na nangangarap makarating sa tuktok ng Mt. Everest. Sky diver. Lahat na yata ng sports na pangmayaman, pinasok nito. Dumadayo pa sa ibang bansa para sumali sa mga kompetisyon.

Mukha rin namang payag agad si Santi sa pagma-match sa kanila. Nang i-set sila ng date ng kanilang mga magulang, naging napaka-charming nito.

Walang ligawang nangyari pero kumalat agad sa sirkulo nila na official na ang kanilang relasyon.

Hindi naman nahirapan si Mayang. Napaka-easygoing ni Santi kaya hindi mahirap pakisamahan.

At lagi naman itong wala sa Davao. Laging may pinagkakaabalahang sports event sa kung saan-saang bahagi ng Pilipinas o ng mundo. Bibihira silang nagkakasama at hindi rin matagalan.

Okay lang iyon kay Mayang. Abala rin naman siya sa Davao.

Mula nang pauwiin siya roon ay nagturo na siya sa isang exclusive preschool. Iyon naman talaga ang pangarap niya. Kaya nga Family Life and Child Development ang kinuha niyang kurso. Sadyang mahilig siyang magturo sa mga bata.

Naging abala rin siya sa mga sosyalang pinagdalhan sa kanya ng kanyang Mama. Hindi siya makatanggi dahil bahagi raw iyon ng kanyang mga obligasyon bilang heredera ng mga Isla.

Kapag naroon din lang sa Davao si Santi, pareho silang required na pumunta sa naturang mga sosyalan. Bahagi rin daw iyon ng mga obligasyon ni Santi bilang heredero.

Parang iyon nga lang ang tanging obligasyon nila ni Santi sa kanya-kanyang negosyo ng kanilang mga pamilya. Sa kaso ni Mayang, may mga kuya naman kasi siya na nakatutok sa family business. Pero sa kaso ni Santi, nagtataka siya kung kailan ito magseseryoso sa trabaho.

Isa iyon sa mga bagay na nagsimulang magpabago ng isip ni Mayang tungkol sa kanilang relasyon.

Nang kuwistiyunin niya sa kanyang sarili kung gaano karesponsable si Santi, marami nang iba pang mga katanungang nagsulputan sa kanyang isip at damdamin.
Kung ano nga ba ang mga napag-uusapan nila kapag magkasama. Parang kung anu-ano lang. Walang gaanong kabuluhan.

Kung totoong nag-e-enjoy ba siya sa piling ni Santi o sumusunod lang sa agos.
Kung may nararamdaman nga ba siyang pagmamahal sa lalaking ipinagkasundo sa kanya.
Sinubukan niyang kausapin ang kanyang Mama tungkol sa isyu, pero pinagalitan pa siya nito.

“My goodness, Marianne, nobody’s perfect,” sabi ni Marinella Isla. “Hindi ka na teenager para mangarap pa ng isang ideal man. Be realistic. Masuwerte ka nga na hindi na kailangang magtrabaho ni Santi at any time in his life. Pati na ang mga magiging anak ninyo. So ano’ng pinoproblema mo?”

“Pero bakit sina Kuya, nagtatrabaho pa rin?” katwiran ni Mayang. “Hindi ba dapat lang na maging productive din naman sa buhay? Kung di man sa business, at least sa ibang bagay na nakakatulong sa kapwa at sa lipunan. Hindi puro pansariling enjoyment lang.”

“Naku, lumabas na naman ang pagiging dreamer mo,” pagbabalewala ni Marinella. “Hindi iyon ang importante kundi kung ano’ng future ang maibibigay niya sa pamilya ninyo. At kahit maglaro lang nang maglaro si Santi, nakasiguro na ang kinabukasan ninyo ng mga magiging anak mo. Hanggang sa mga apo mo pa.”

“Paano naman ang relationship namin?” tanong ni Mayang. “After all these years, ‘Ma, mababaw pa rin ang samahan namin. Walang tunay na communication. Walang malalim na emotions.”

“Mas mabuti ang ganoon para wala ring away,” katwiran ni Marinella. “Just keep things light and casual.”

Hindi na napakali si Mayang. Hindi siya sang-ayon sa mga paniniwala ng kanyang Mama.
Hindi nga ba’t nangarap siya na magkaroon din ng sariling pag-ibig? Iyong katulad ng kina Lucy at Caloy. Malalim. Nakaugat sa puso’t kaluluwa.

Akala niya, made-develop ang ganoon sa pagitan nila ni Santi. Pero hindi nangyari.
Noong Bagong Taon, nasorpresa na lang siya nang ianunsiyo ng kanilang mga magulang ang engagement daw nila ni Santi. Pakasal na raw sila sa loob ng taong iyon. Sapat na raw ang itinagal ng kanilang relasyon.

Doon na nagsimulang mag-panic si Mayang. Naghanap siya ng paraan para ma-postpone muna ang kasal.

Humiling siya ng isang schoolyear para makapag-volunteer teaching sa mahirap na komunidad ng Sitio Bukangliwayway. Sinabi niyang panata niya iyon noon sa sarili at kailangan niyang magawa bago siya mag-settle down.

Hiningi niya ang tulong ni Lucy para maisaayos ang kanyang pagturo sa Sitio. Kaya alam ni Lucy ang sitwasyon.

Pero may hindi pa ito alam. May mas malalim pa siya ngayong problema.

Chapter 4

“Hindi na ako nagdadalawang-isip,” umiiyak pa ring pahayag ni Mayang. “Sigurado na ako. Siguradong-sigurado na ako na ayokong magpakasal sa kanya. Hinding-hindi ako magpapakasal kay Santi kahit ano pa ang mangyari.”

Namilog ang mga mata ni Lucy.

“May nangyari pa ba?” tanong nito. “Kasi hindi pa naman ganyan kagrabe ang sitwasyon noong huli tayong nag-usap nang matagal sa phone.”

Tinawagan niya ito para magkuwento at humingi ng tulong pagkatapos ng sorpresang pag-aanunsiyo ng kanyang engagement.

“Hindi ko na nagawang tumawag sa iyo para ikuwento ang pinakahuling nangyari,” paliwanag ni Mayang. “Hindi ko kaya. Basta kinailangan kong umalis na roon. Mas gusto kong personal nating mapag-usapan ang isyu.”

“Ano nga’ng nangyari?” untag ni Lucy. “Bakit naging ganyan ka kasiguradong ayaw mo na?”

Masakit balikan ang mismong mga pangyayari pero alam ni Mayang na kailangan niyang ilahad ang lahat-lahat sa pinakamatalik na kaibigan. Kailangan para masimulan niya ang paglaban at paghilom.

Habang kalmadong sumususo ang sanggol na si Aya sa ina, nagkuwento si Mayang.


NANG hiniling niya sa mga magulang ang isang schoolyear na palugit bago ikasal, ang isinagot ng mga ito ay, “Kung papayagan ka ni Santi.”

Nakaalis na uli si Santi noon. May pinuntahan na naman itong kompetisyon sa Europa pagkatapos na pagkatapos ng New Year celebration na kung saan dineklara ang engagement nila.

Habang wala ito, tinawagan ni Mayang si Lucy para ayusin ang kanyang pagtuturo sa Sitio.

Dati kasing guro si Lucy sa libreng preschool na itinayo ng isang NGO sa Sitio Bukangliwayway. Doon na agad ito nagturo pagka-graduate.

Natigil lang si Lucy sa pagtuturo nang nagkasunod-sunod ang mga anak. Kinailangan na muna nitong tumutok sa pagiging ina habang maliliit pa ang mga bata.

“Kahit volunteer teacher lang ako,” sabi ni Mayang. “Sabihin mo, hindi nila ako kailangang suwelduhan. Kailangan ko lang ng dahilan para makalayo muna. Kailangan ko ng panahon para sa aking sarili bago ako ikasal.”

Pumayag agad ang organisasyon nang kausapin ni Lucy para sa kanya. Kulang na kulang palibhasa ang pondo kung ihahambing sa mga pangangailangan ng mga komunidad, kaya malaking tulong sa lahat kung maililipat nila ang sinusuwelduhang guro sa iba namang nangangailangang lugar dahil sa pagboboluntaryo ni Mayang sa Sitio.

Sinadya ng dalaga na mailagay sa ayos ang lahat bago magpaalam sa kanyang boyfriend para hindi na ito makatanggi. Ang totoong nasa isip niya kasi ay wala itong karapatang tumanggi.

Nagrerebelde nga ang kanyang isip at damdamin sa mismong paghingi ng permiso rito. Hindi ba’t may karapatan siya sa kanyang sarili at bahagi ng karapatang iyon ang tumanggi munang ikasal kung hindi pa siya handa? Hindi dapat na ang kanyang mga magulang at si Santi lang ang magpapasya.

Nagpaalam siya sa kanyang mga magulang para na lang wala nang gulo. Alam palibhasa niya ang takbo ng utak ng mga ito.

Ganoon din ang naging katwiran niya sa pagpayag na “humingi ng permiso” kay Santi. Gagawin lang niya iyon para makaalis na nang walang sabit.

Noong mga panahong iyon, sa kabila ng kanyang mga agam-agam, handa pa rin siyang ituloy ang kasal pagkaraan ng isang schoolyear.

Gusto lang talaga niyang makaumit ng kahit konting panahon para sa sarili. Panahon para matanggap na hindi bahagi ng kanyang kapalaran ang magkaroon ng pag-ibig na tulad ng kina Lucy at Caloy. Na makuntento sa kung ano ang natoka sa kanya.

Sa loob sana ng isang taon sa Sitio ay ihahanda niya ang kanyang sarili para tanggapin si Santi at ang lahat ng mga kahinaan nito. Hindi naman ito masamang tao, sabi pa niya sa sarili.

Inabot ng mahigit dalawang buwan si Santi sa labas ng bansa. Pagkatapos mag-skiing sa Switzerland, tumuloy naman ito sa isang surfing competition sa Australia at, pagkatapos, sa isang boat race sa Mediterranean. Kasama na ang ensayo’t pasyal.

Kalagitnaan na ng Marso nang bumalik ito sa Davao. Agad na tumawag si Mayang para makipagkita. Hindi niya dating gawain iyon. Hinihintay lang niya dati na kusang lumapit si Santi.

“This is a pleasant surprise!” sabi nga ng binata nang sagutin ang cellphone. “Iba na pala talaga kapag fiancĂ© na kita. Tinatawagan mo na ako. Tamang-tama, Babe, because I have a surprise for you, too.”

Sinundo siya nito.

Nagtaka si Mayang dahil wala itong kasama. Dati, lagi itong napapaligiran ng driver, mga bodyguard, iba’t-ibang mga assistant, mga sports trainers at pati na rin mga kabarkada. Nag-uuwi pa ito ng mga kaibigang foreigner.

Madalas nga, pakiramdam ni Mayang ay pandekorasyon lang siya na ipinangangalandakan ni Santi sa mga guest nito.

Pero nang hapong iyon, mag-isa lang ang binata. Ito ang nagmaneho ng dalang Fortuner.

“Saan tayo?” tanong agad ni Mayang.

“Sabi ko nga surprise, di ba?” sagot ni Santi.

Dinala siya nito sa isang bagong bukas na residential resort subdivision sa tabingdagat. Tumigil sila sa tapat ng isang bahay.

“Kanino ito?” tanong ni Mayang. “Sino’ng pupuntahan natin dito?”

“Sa atin ito,” malapad ang ngiting sagot ng binata. “Regalo nina Mommy sa atin. Siyempre, doon tayo sa amin titira. There’s enough room kahit pa sandosena ang maging anak natin doon. Ito naman, pasyalan lang. Lalo na when we want privacy.

“Si Mommy mismo ang pumili ng unit natin. Fully furnished na niya ito. Decorated na rin ng suki niyang interior designer.”

Sa halip na matuwa ay nadismaya si Mayang.

Unang-una, hindi niya gustong doon tumira sa kanyang magiging mga biyenan. Hindi ba mas dapat na magsarili sila? Kaya naman nila.

At ang bahay pasyalan na iyon, hindi praktikal. Napakalayo. Hindi naman nila iyon kailangan kung may sarili silang bahay, kahit simple lang.

Isa pa, kung magkakabahay sila, gusto naman niyang silang dalawa ni Santi ang pipili, hindi lang ng mismong bahay kundi pati na rin mga lalamanin niyon at pagkakaayos.

Doon pa lang, naramdaman na ni Mayang na magiging parang tau-tauhan siya sa pamilyang kanyang sasamahan.

Pero hindi pa iyon ang pinakagrabeng nangyari nang hapong iyon.

“Come on, Babe, I’ll give you a tour of the house,” sabi ni Santi.

Nasa salas pa lang sila nang ibulalas ni Mayang ang kanyang balita.

“Santi, pwede bang next year na tayo pakasal?” diretsahang pahayag niya. “May kailangan lang kasi akong gawin next schoolyear.”

Sinabi niya ang pangako niya noon na magboboluntaryong magturo sa Sitio Bukangliwayway.

“May emotional ties ako sa lugar na iyon at gusto kong tumupad sa panata bago man lang ako magkaroon ng mga responsibilidad bilang pamilyadong tao,” dagdag pa ng dalaga.

“Wow, you seem so passionate about it,” sabi ni Santi.

“Hindi ba ganoon ka rin sa mga sports mo?” paalala ni Mayang.

“Yeah, well, I can understand,” tango ng binata. “Pwede naman nating i-adjust ang schedule. Halika, tingnan mo ang master’s bedroom.”

Nagulat si Mayang na ganoon lang kadali pumayag si Santi kaya agad din siyang tumalima.

Hindi niya akalaing pagdating sa kuwarto ay hahatakin siya nitong pahiga sa kama.

“Santi, ano ba!” palag agad niya.

Hindi siya sanay sa ganoon dahil sa tinagal-tagal ng kanilang relasyon ay hanggang halik sa pisngi at mabilis na smack sa labi lang ang pinayagan niyang mangyari sa pagitan nila. Hindi rin naman nagtatangka noon si Santi nang higit pa roon.

Pero sa pagkakataong iyon, hindi siya nito pinayagang makaalpas. Dinaganan pa nga siya nito.

“Hey, lighten up,” tumatawang sabi pa ng lalaki. “We’re engaged, remember? Kung nagdududa kang pakakasalan kita, e di tumuloy na tayo sa city hall mamaya para magpakasal kay Mayor. Ninong ko ‘yon, hindi tayo tatanggihan. But that would mean na hindi ka na tutuloy sa Manila.”

“Ha?” natigilan si Mayang.

“Kung gusto mong ituloy ang iyong charity project, leave me something to remember you by,” parang nakakalokong sabi ni Santi. “Para naman makasiguro akong seryoso ka sa engagement natin at hindi mo ako tatakbuhan.”

Nasukol si Mayang.

Desperado siyang makaalis at makapagnakaw ng kahit konting panahon na mag-isa bago patali nang ganap kay Santi.

Kung iyon lang ang paraan para siya nito payagan, kakapit na siya sa patalim. Tutal naman, katwiran niya sa sarili, pagkaraan ng isang schoolyear ay ito rin ang kauuwian niya.

Nagparaya ang dalaga.

Pero hindi niya alam ang tinanguan niya.

Katulad siguro ng lahat ng ibang dalaga, pinangarap ni Mayang na ang kauna-unahan niyang pakikipagtalik ay maging isang napakaganda at napakatamis na karanasang hindi na niya malilimutan habambuhay.

Hindi nga rin siguro niya malilimot kailanman ang naganap sa kanila ni Santi, pero sa kabaligtarang dahilan.

Sa mga sumunod na oras, nakita ni Mayang ang isang bahagi ng pagkatao ng lalaki na hindi niya inakalang naroon. Isa pala itong sadista.

Sa halip na pagsuyo at pagmamahal, ang nadama niya sa mga kamay ni Santi ay karahasan.

Makasarili ito. Pero hindi masasabing wala itong pakialam sa kanyang nadarama. Sa katunayan, sa bawat sandali ay inoobserbahan nito ang lahat ng kanyang reaksyon at mas lalo itong nae-excite kapag siya ay nasasaktan at nagpupumiglas.

Nanlaban si Mayang nang mapansing hindi na normal ang kilos ng kasama. Pero mas malakas si Santi at hindi niya ito nakayanang pigilan. May nakahanda na rin pala itong mga panali. Itinali ang kanyang mga kamay at paa sa bawat poste ng mala-antigong kama.

Nagtangkang sumigaw si Mayang pero tinalian din nito ng tela ang kanyang bibig.
Gabing-gabi na nang tigilan siya nito. Pakiramdam ni Mayang, luray-luray na pati kanyang kaluluwa.

Wala namang makikitang bakas sa kanyang balat. Parang sanay na sanay si Santi kung paanong makakapanakit nang walang maiiwang pruweba.

“Palaban ka pala, Babe,” nakangisi pang sabi nito pagkatapos. “Hindi ko akalain. But I like it. Hindi pala ako mabo-bore sa marriage natin.”

Kinilabutan si Mayang. Ito pala ang haharapin niya sa bawat araw at gabi kapag ikinasal sila.

“Palagay ko, mawiwili akong umuwi ng bahay palagi kapag ganyan ka,” pagpapatuloy ng lalaki. “Hindi tulad noon na diyetang-diyeta ako sa iyo kaya I had to turn to other girls for my needs.”

Napatingin dito si Mayang nang nanlalaki ang mga mata.

“Ganyan ka-casual mong inaamin na niloloko mo ako?” manghang sabi niya.

“Ano’ng niloloko?” natatawang sagot ng lalaki. “Wala lahat iyon. Sex lang. Ikaw naman ang pakakasalan ko, hindi ba? At huwag kang mag-alala, wala akong anak sa kanila.

“May ilang nagpabuntis, oo. Akala siguro, mata-trap nila ako. Sorry, hindi ako tanga. I made sure na maipa-abort lahat ng mga iyon. Siniguro kong kakilala ko ang gumawa para walang lusot. Of course, binayaran ko rin naman sila kaya wala na silang masasabi pa. Subukan lang nilang gumawa ng gulo at magsisisi sila sa matitikman nilang bagsik ng galit ko.

“Be thankful, Babe, na ganoon ako kaingat at kapulido magtrabaho. Mga anak mo lang ang magiging mga tagapagmana natin. Poprotektahan ko sila with an iron fist.”

Nagtaas pa ito ng nakakuyom na kamao.

Kinilabutan si Mayang. Tingin na talaga niya kay Santi nang mga sandaling iyon ay isang halimaw. Papayag ba siya na ito ang maging ama ng kanyang magiging mga anak?

Nang ihatid siya nito pauwi, nangontrata na agad ang lalaki.

“Sunduin kita uli bukas, ha?”

Tipid na ngiti lang ang isinagot ni Mayang.

Kahit hatinggabi na, kinausap niya agad ang kanyang ina. Sinabi ang karahasang ginawa ni Santi.

“Natatakot na akong pakasal sa kanya, ‘Ma,” pagtatapos niya.

“Hay naku, inosente ka pa lang kasi,” sagot nitong tinatapik siya sa balikat. “Huwag mong ikagalit na nag-assert na ng rights niya si Santi. After all, formally engaged na kayo. At kailangang makasanayan mo na ang sex, my dear. You have to learn how to please your husband para hindi siya magsawa sa iyo. Kung medyo wild ang hilig niya, pagbigyan mo. Ganyan talaga.”

Hindi makapaniwala si Mayang sa reaksyon ni Marinella.

“Pero sinaktan niya ako, ‘Ma,” giit niya. “Sadista siya.”

Ngumiti lang ang matanda.

“Kasama iyon,” sagot nito. “Hindi naman totoong pain iyon, e. Wala ka namang mga sugat o pasa. Kung gusto mo, ihahanap kita ng sex therapist para matutunan mong sakyan ang hilig ng iyong husband-to-be.”

Napahagulgol na lang sa frustration si Mayang.

“Sige, iiyak mo lang,” sabi pa ni Marinella. “Ganyan lang talaga ang first time. You’ll see, eventually, gusto mo na rin.”

Hindi na siya sumagot hanggang iwan siya nito sa silid. Paano’y gustong-gusto na niya itong hiyawan. Pero dahil alam na niyang useless na igiit ang katotohanan, kailangang gumamit siya ng ibang paraan para makaalpas sa nakaririmarim na sitwasyon.

Chapter 5

Nabusog na’t nakatulog si Aya. Ibinaba itong muli ni Lucy sa duyan. Pagkatapos, inakbayan siya ng kaibigan.

“Kaya pala napaaga ang punta mo rito,” sabi nito. “Sabi mo noon, April o May ka pa makakarating.”

“Mabuti na nga lang at first week of March pa lang, natapos na ang klase namin sa preschool doon,” sagot ni Mayang. “Wala nang klase noong dumating si Santi.”

Nagpatuloy siya sa pagkukuwento.

Nang sunduin siya ni Santi kinabukasan, nagpanggap siyang maysakit.

“Nahihilo ako’t nanlalata,” sabi niya. “Para akong lalagnatin na hindi ko maintindihan.”

Ngumiti si Santi.

“Nangyayari nga iyan kung minsan pagkatapos ng first time. Lalo na kung matindi,” nagmamalaki pang sabi nito. “Sige, pahinga ka muna at magpalakas, Babe, para sa next round.”

Hirap na hirap si Mayang kung paanong hindi maipakita ang pandidiri niya.

Kinahapunan, kinausap niya ang mga magulang.

“Katatawag lang ng mga taga-NGO sa cellphone ko,” pagsisinungaling niya. “Kailangan ko raw lumuwas na agad sa Manila dahil naroon ang representative ng foreign funding agency na nagpopondo sa free preschool project nila. Gusto raw akong ma-interview.”

“Pinayagan ka na ba ni Santi?” tanong ng kanyang Papa.

Tumango siya.

“Okay lang daw na pagkatapos na ng next school year ang kasal,” sagot niya.

“Okay,” sabi ni Quintin Isla. “Basta tandaan mo, from now on, he’s the boss.”

Iyon ang akala n’yo, tahimik na sagot ng isip ng dalaga.

Nang tawagan niya si Santi para sabihing kailangan na niyang lumuwas agad sa Quezon City, idinugtong agad ni Mayang na pinayagan na siya ng kanyang Papa.

“I have to go tomorrow kahit medyo masama pa rin ang pakiramdam ko,” dagdag niya. “Aalis na kasi sa makalawa ang mag-i-interview sa akin. Doon na lang ako magpapagaling.”

“Bad trip,” sagot ni Santi. “Di bale, may bahay naman kami sa Makati. Doon ka na tumira para every time I’m there, magkasama tayo.”

“Hindi puwede,” katwiran ni Mayang. “Kasama sa kontrata na doon ako sa community mismo titira.”

“Oh well,” buntonghinga ng lalaki. “Sige na. I’ll just make sure na may ilang araw tayo together every time I’m there.”

Kinabahan uli si Mayang. Hindi bale, makakahanap din siya ng paraan para makaiwas. Ang mahalaga, makaalis na muna siya.

“Kaya ora-orada akong bumili ng ticket at nag-text sa iyo na mapapaaga ang dating ko,” pagtatapos niya kay Lucy.

“Safe ka na rito, friend,” pang-aalo ng kaibigan habang muli siyang niyayakap. “Kung ayaw mo na talaga sa kanya, hindi ka niya mapipilit.”


SABAY kumain ng pananghalian ang magkaibigang Mayang at Lucy habang muling binantayan ni Aling Pining ang mga bata.

Pagkakain, tinulungan ni Lucy si Mayang na mag-ayos ng mga gamit sa silid na natoka sa kanya.

“Kuwarto ito nina Ate Jen, iyong asawa ng kuya ni Caloy na nagtatrabaho sa Italy,” kuwento ni Lucy. “Si Kuya Bert kasi ang nagpautang sa amin ng pambayad sa rights dito sa lupa at pampatayo nitong bahay. Binabayaran pa nga namin ng hulugan.

“Si Ate Jen at ang mga anak nila, sa Pampanga noon nakatira. Sa kabilang partido. Pero noong nagawa itong bahay, pumisan sila dito habang inaayos ang pagsunod nila sa Italy. Kaaalis nga lang nila last December. Doon na sila nag-Pasko.”

“Tamang-tama pala na nabakante itong kuwarto para maupahan ko,” sabi ni Mayang.

“Hindi mo na kailangang umupa, friend,” kontra ni Lucy.

“Aba, hindi ako papayag,” giit ni Mayang. “Uupa rin naman talaga ako kung sa iba ako titira, di ba? At pauupahan n’yo rin naman talaga sa iba itong kuwarto kung hindi ako dumating. So let’s be fair. Gusto mo bang lumipat pa ako sa ibang bahay?”

“O siya, sige na nga lang,” pabuntonghiningang sagot ni Lucy.

“Happy talaga akong makabalik dito,” pahayag ni Mayang. “Pero marami nang mga bagong residente, ano? Marami nang mga mukha na hindi pamilyar sa akin. Kahit iyong mga tricycle drivers at ‘yong kaibigan ninyo.”

“Si Donat?” natatawang dugtong ni Lucy. “Parang may isyu yata kayong dalawa, napansin ko.

“Nawiwirduhan ka siguro sa porma niya. Ganoon lang talaga iyon pero mabait si Donat. Best friend pa iyan ni Caloy mula noong maliliit sila. Magkatabi kasi sila ng bahay sa duluhan.”

“Bakit ni hindi ko siya nakilala noon?” pagtataka ni Mayang.

“Hindi naman kasi sumasama si Donat noong dumadalaw pa lang si Caloy sa akin,” sagot ni Lucy. “Mag-best friends nga sila pero may mga sariling lakad si Donat. Gimikero ‘yon, e. Samantalang si Caloy, kilala mo naman ang lifestyle. Bahay, eskuwela, trabaho at ako lang ang inaatupag noon.”

“Mukha ngang gimikero ‘yong si Donat,” nakangiwi ang mukhang komentaryo ni Mayang. “At maluho.”

“Pensiyonado kasi iyang si Donat,” paliwanag ni Lucy. “Sustentado siya buwan-buwan ng mga magulang niyang nasa States. Naghihintay na lang iyan na ma-approve ang pagpetisyon sa kanya papunta roon. Kaya hindi na nagtrabaho, e.”

“Batugan pala,” naiiling na sabi ni Mayang.

“Pero alam mo, kung tutuusin malungkot din ang nangyari kay Donat,” pagkukuwento ni Lucy. “Baby pa siya noong nagsimulang maging DH sa Singapore ang nanay niya. Kaya nga hindi na siya nasundan ng kapatid. Lumaki siya sa tatay niya na lasenggo’t sugarol naman. Hindi siya halos inaasikaso.

“Pasang-awa lang daw iyan sa elementary, sabi ni Caloy. Matalino naman, kaso mahilig magbulakbol. Sa high school, inabot ng anim na taon.

“Nasa high school pa siya noong dinala ng mga employer na Amerkano ang nanay niya sa States. Tinulungang magka-green card.

“Noong puwede nang dalhin ng nanay niya ang tatay niya sa States, 21 na si Donat. Hindi na siya minor kaya hindi na naisama. Pinangakuan na lang na ipepetisyon.

“Naka-graduate din naman siya ng college two years ago. Kumuha ng Hotel and Restaurant Administration. Inabot nga lang din uli ng anim na taon. Pagkatapos, wala, hindi na naghanap ng trabaho. E kasi buhay-pensiyonado. Parang walang sariling direksyon kundi iyong paghihintay na makalipad papuntang States.

“Pero mahal siya ng mga tagarito. Matulungin kasi si Donat. Kita mo nga, tinulungan ka. Saka malambing iyon. Para bang iyong hindi niya naranasang pagmamahal sa loob ng kinagisnan niyang pamilya, hinahanap niya sa mga kaibigan sa komunidad.”

Napaisip si Mayang.

Buo ang tiwala niya kay Lucy kaya kung ganoon ang tingin nito kay Donat, hindi naman siguro masamang tao ang binata. Isa pa, hindi ito magiging best friend ni Caloy kung walang mabuting pagkatao.

Baka kailangan lang niyang bigyan ng isa pang pagkakataon si Donat.

“Hindi lang kasi ako sanay na may tagarito na katulad niya ang porma at pananalita,” amin ni Mayang. “Nanibago ako.”

Tinaasan siya ng kilay ni Lucy.

“Sabi nga ni Melanie Marquez, ‘Do not judge my brother. He is not a book.’ O di ba?”

Napahagalpak ng tawa si Mayang. Sumunod na rin si Lucy.


NAGULAT na lang si Mayang na pagdating ni Caloy noong hapong iyon ay kasama na naman si Donat.

“Nauna pa pala kayong nagkita nitong best friend ko,” sabi ni Caloy.

“Mabuti na lang, tinulungan niya ako kanina,” sagot niya.

Tinatangka niyang bumawi, hindi lang dahil nahihiya siyang awayin si Donat sa harap ni Caloy kundi dahil handa na siyang magsimula silang uli ng binata.

“Aba, lagi talagang maasahan itong si Donat,” pagmamalaki pa ni Caloy.

“Baka lumaki na ang ulo ko niyan,” tumatawang sabi ni Donat.

“Bago lumaki ang ulo mo, bibigyan na kita ng assignment,” sabad ni Lucy. “Actually, makikiusap sana ako, Donat. Pakisamahan naman si Lucy bukas sa opisina ng HANDOG. Pipirma siya ng kontrata.”

HANDOG ang pangalan ng NGO na nagtatag ng libreng preschool sa Sitio.

“Naku, kayang-kaya ko nang pumunta roon nang mag-isa,” palag ng dalaga. “Para namang hindi ako sanay sa Metro Manila.”

“May sasakyan kasi si Donat at puwede ka niyang ipagmaneho,” paliwanag ni Lucy.

“At saka hindi lang naman iyon ang ipinapakiusap ko sa kanya. Pagkagaling ninyo sa HANDOG, pasasamahan din kita na mag-ikot dito sa komunidad para maipakilala ka sa mga pamilya na may mga batang magiging estudyante mo.

“Importanteng magkaroon ka na agad ng bonding sa kanila. Iyong iba kasi riyan, hindi iniintindi ang pagpapaaral sa mga bata kahit libre naman. Kailangan pang pagpaliwanagan at kumbinsihin.”

“Nakakahiya naman kay Donat,” sabi ni Mayang.

“Wala iyon,” sagot ng binata. “Para lang tayong mamamasyal. Ka-vibes ko ang mga taga-HANDOG. Karantso ko naman halos lahat ng tagarito.”

Pumayag na rin si Mayang. Naisip niya, pagkakataon din iyon para makita niya ang mas magandang bahagi ng pagkatao ng binata.

Nang makaalis si Donat, tinanong niya si Lucy.

“Paanong nakakapasok ang sasakyan ni Donat sa duluhan?”

Panay makikitid na eskinita nga lang kasi ang daanan doon. Tricycle lang ang nakakapasok.

“Sa health center sa bungad ng Sitio nakaparada ang kanyang Revo,” sagot ni Lucy. “Iyon na rin kasi ang madalas niyang ipinapahiram na panghatid ng mga emergency cases sa ospital. Siya rin ang laging nagboboluntaryo na magmaneho. All around iyan dito kaya talagang mami-miss ng mga tao kapag pumunta na ng States.”

Natigilan si Mayang.

Lagi na lang siyang nagugulat sa mga bago niyang nalalaman tungkol sa binata. Panay taliwas sa mga una niyang impresyon dito.

Chapter 6

Nakaalis na sila sa HANDOG ay hindi pa maalis-alis ang ngiti ni Mayang. Napansin iyon ng kasama.

“Ang saya-saya mo ngayon,” nakangiti ring sabi ni Donat habang nagmamaneho pabalik sa Sitio.

“Hindi kagaya noong una mo akong nakita?” dugtong ng dalaga. “Busangot ang mukha ko noon, ano? Aburido kasi. Pero ngayon, masaya na ako. Official na kasi ang assignment ko sa preschool ng Sitio.

“Ito naman talaga ang dream job ko, e. Plano namin ni Lucy noon na sabay kaming magtuturo sa Sitio pagka-graduate. Kaso, hindi ako pinayagan at pinauwi ako sa Davao. Inggit na inggit ako kay Lucy noon.

“Sa Davao naman, nag-suggest ako na magtayo kami ng libreng preschool sa community. Hindi rin ako pinayagan kasi naipangako na ng parents ko sa mga kaibigan nilang may Montessori school na doon ako magtuturo.

“Sabi nila, kailangan ko pa ng experience. Kapag nakailang taon na ako roon, saka ko na ambisyuning magtayo ng sarili kong project. E nakakalimang taon na ako, ayaw pa rin akong payagan.”

“Mabuti at pinayagan ka ngayon na lumipat dito?”pagtataka ni Donat.

Nabigla si Mayang sa tanong.

“Ahm…oo nga, e,” sagot niya. “Ang totoo niyan, last chance ko na ito. Gusto na kasi nila akong ipakasal. Humiling lang ako ng isang taon para magawa ito kaya pinagbigyan nila ako.”

Nakita niyang si Donat naman ang nagulat.

“Ikakasal ka na?” ulit nito.

“Pero ayoko,” iling ni Mayang. “Iyon nga ang idinulog ko kay Lucy, e. Hindi lang postponement ang habol ko sa pagparito. Ayoko na talagang pakasal.”

“Nagbago na ang feelings mo? Ilang taon na ba kayo?” nakakunot ang noong tanong ng binata.

“Mga five years. Pero arranged lang ng parents namin,” sagot niya. “Akala ko noong una, okay lang sa akin. Ngayon, sigurado na akong ayoko sa kanya.”

Napamulagat si Donat.

“May arranged marriage pa pala sa panahong ito,” sabi nito. “Aba, dapat lang na umayaw ka kung hindi bukal sa loob mong pakasal sa taong iyon. Nasa edad ka na. Sarili mo ang buhay mo.”

Tumango si Mayang.

“Desidido akong ipaglaban ito,” pahayag niya. “Dati, sunudsunuran ako sa kanila. Ngayon, hindi na puwede. Ibang kaso na ito.”

“Kaya pala mukha kang nakalutang sa alapaap magmula pa kanina sa opisina ng HANDOG,” sabi ni Donat. “Tama iyan. I-celebrate natin ang iyong kalayaan.”

Tawanan sila.

Nang iparada ni Donat ang sasakyan sa health center, muli nilang nakausap ang doktora at mga nurse doon. Naipakilala na ang mga ito kay Mayang nang kunin nila ang Revo noong umaga.

“O, ano, official na nga ba?” pangungumusta ni Dra. Raval. “Ikaw na ang bagong teacher, Mayang?”

“Yes, Doc,” sagot niya. “Go na go na ito. Mag-iikot na nga kami ni Donat. Ipapakilala niya ako sa parents ng mga estudyante.”

“Hayaan mo, magkukuwento na rin kami sa mga paparito,” pangako ng nurse na si Angie.

“Ingatan mo si Mayang, ha, Donat?” panunukso ng isa pang nurse na si Zen.

Namula ang dalaga.

“Siyempre naman,” tumatawang sagot ni Donat.

Tamang-tama na nasa bungad ng Sitio ang health center. Masusuyod nila ang bawat eskinita nang sistematiko.

Napatunayan ni Mayang na totoo ngang kilala’t kinagigiliwan ng mga tao si Donat. Kabi-kabila ang bumabati rito. Agad naman nitong ipinapakilala si Mayang.

“Puwede ka palang kumandidato rito,” pagbibiro ng dalaga. “Ni hindi mo na kailangang mangampanya. Sigurado nang mananalo ka.”

“Naku, mahirap ang pulitika,” iling ni Donat. “Kung nakakatulong naman ako nang ganito lang, okay na. Wala pang intriga.”

Naibigay ng mga taga-HANDOG sa kanila ang listahan ng mga dati nang estudyante sa preschool na wala pa sa edad na puwedeng mag-kindergarten. Isa-isa nilang pinuntahan ang mga ito para kumbidahing muling magpalista sa pasukan.

Kinausap din nila ang mga magulang na may mga anak na tumuntong na ng tatlong taong gulang. Maaari na ring ipasok ang mga ito para makapagsimulang masanay na nag-aaral.
Mula tatlo hanggang limang taong gulang ang sakop ng preschool. Pagtuntong ng bata ng ika-anim na taon ay puwede na sa kindergarten. Kapag talagang matalino ang bata, minsan ay puwede na ngang matanggap nang diretso sa grade one.

Tumulong si Donat kay Mayang sa pangungumbinse sa mga magulang. Palibhasa nga kilala at kapalagayang-loob ng mga ito ang binata, madali ring nakagaanan ng loob si Mayang.

Hindi iilan ang nanukso sa kanila.

“Naku, Teacher Mayang, mabait itong si Donat.”

“Teacher Mayang, baka ikaw ang makapagpabago ng isip ni Donat para huwag na kaming iwan.”

“Uy, bagay kayo.”

“Pasensiya ka na, ha?” nagkakamot ng ulo na sabi ng binata sa kanya. “Maloko lang talaga sa akin ang mga tagarito. Damay ka.”

“Okay lang iyon,” sagot niya. “Nagbibiro lang ang mga iyan.”

Napansin ni Mayang na pati ang mga bata ay malapit kay Donat. At bawat isa ay kinakausap nito. Binibigyang halaga at pansin.

“Matiyaga ka rin sa mga bata, ano?” sabi niya. “Bihira iyan sa mga lalaki, lalo na kung wala pang sariling anak.”

“Alam ko kasi kung paano ang pakiramdam ng hindi pinapansin at pinapakinggan,” sagot nito. “Parang hindi ka tao. Ang bata, sensitibo na, hindi ba? Madaling masiraan ng loob. Pero kapag naman binibigyang-pansin, grabe rin sila mag-appreciate.”

“Dapat pala, naging teacher ka rin,” sabi ni Mayang. “Parang nag-aral ka ng Child Development, a.”

“Sariling karanasan lang ang nagturo sa akin,” sagot ni Donat. “Saka kahit hindi ako teacher, tsokaran ko ang mga bata rito. Kuya nila ako.”

“Obvious nga,” tango ni Mayang.


TUMATABA ang puso ni Donat sa kanyang mga naririnig. Mukhang nakabawi na nga siya kay Mayang.

Hindi bawi na ganti.Hindi na ganoon ang kanyang intensyon sa dalaga. Nabura na ang orihinal niyang masamang impresyon dito.

Kahapon, talagang inabangan niya si Caloy sa bungad ng Sitio para magsumbong sa masamang asal ng bisita nito. Hindi niya kasi maintindihan kung paanong naging best friend ni Lucy ang ganoon kataray na dalaga.

Pinagtawanan siya ni Caloy.

“Hindi ganoon si Mayang,” tanggi nito. “Hindi iyon snob. Baka naman kasi mali ang pasok mo kaya ka tinarayan.”

Nagkuwento na si Caloy kung paanong ang dalagang heredera sa Davao ay naging parang bahagi na ng pamilya’t kapitbahayan nina Lucy noong mga panahong nag-aaral pa ito sa UP.

“Mas sosyal ka pa nga kaysa sa kanya, e,” tudyo ng kaibigan. “Nakita mo naman kung gaano siya kasimple, hindi ba? Hindi mo aakalain na hacendera. Baka nga na-bad trip iyon sa ayos mo.”

“Naman,” palag ni Donat na hinahaplos ang kinulayang buhok.

Lalo siyang pinagtawanan ni Caloy.

“Pero maganda siya,” amin ni Donat. “Kaya sige, I’ll give her another chance alang-alang sa inyo ni Lucy.”

“Ulol!” sagot ni Caloy. “Ang sabihin mo, interesado kang pumorma. Oy, huwag mong lolokohin iyon at makakalaban mo kaming mag-asawa.”

“Pare, hindi ganoon,” seryosong sagot niya. “Gusto ko lang na mabago rin ang masamang impresyon niya sa akin. After all, best friend siya ni Lucy at mag-best friends naman tayo. Dapat lang na magkasundo rin kami, hindi ba?”

“Dapat nga,” amin ni Caloy.

“So, tulungan mo akong makabawi. Sama ako sa pag-uwi mo,” dugtong agad niya.


Gusto kasi niyang mapatunayan kung totoo ngang may mabuting pagkatao ang mataray na dalaga.

Hindi naman pala nagsinungaling si Caloy.

Iba na ang Mayang na nakaharap niya kinahapunan. Hindi na mainit ang ulo. Maayos nang kausap. Pero maganda pa rin.

Ewan ni Donat kung bakit ba gandang-ganda talaga siya sa dalaga. Alam niyang marami namang mas maganda pa rito pero iba ang dating nito sa kanya. Para bang hindi siya nagsasawang pagmasdan ito.

Kaya nga okay na okay sa kanya ang hiling ni Lucy na samahan ito.

Ngayong umaga, lalo niyang napatunayang masarap palang kasama si Mayang. At bukal sa loob nito ang pagtulong sa kapwa.

Tuwang-tuwa pa si Donat dahil kapansinpansin din na nagbago ang tingin ni Mayang sa kanya. Mukhang burado na rin ang masamang impresyon nito sa kanya kahapon.

Puwede na silang magsimulang muli.

Chapter 7

Tinuluy-tuloy na ni Donat ang pagtulong kay Mayang. Dahil hindi kayang tapusin sa loob lang ng isang araw ang pagkausap sa mga magulang ng mga batang kailangang maipatala sa preschool, halos isang linggo silang nag-ikot sa Sitio.

Pagkatapos niyon, nagboluntaryo rin si Donat na tumulong sa paglilinis at pag-aayos ng mismong eskuwelahan.

Isang maluwang na kuwarto lang naman iyon sa may gitna ng komunidad. Ipinatayo ng HANDOG.

Nalaman ni Mayang na hindi naman pala batugan si Donat. Sa katunayan, napakasipag nito. Kahit noong wala pa siya ay lagi itong may proyektong pinagkakaabalahan. At pawang mga pagboboluntaryo lang.

Nagliliha sila ng mga mesa’t silyang pinagsusulatan ng mga bata nang hangos na dumating ang isang nanay na may kargang sanggol.

“Donat, tulungan mo kami!” sigaw nito. “Ang baby ko…”

“Dalhin natin sa center,” sabi agad ng binata nang makitang parang wala nang lakas umiyak ang bata.

Kinuha nito ang sanggol mula sa ina.

Sumama si Mayang at halos tinakbo nilang tatlo ang health center.

“Ano’ng nangyari?” tanong ni Dra. Raval pagsalubong sa kanila.

“Tatlong araw na kasing nagtatai, Doktora,” paiyak na sagot ng inang si Betchay. “Sige naman ang pagpapadede ko ng powdered milk pero nanghina pa rin nang nanghina.”

“Powdered milk?” nakakunot ang noong tanong ng manggagamot habang sinusuri ang sanggol.

Sinabi ni Betchay ang brand ng powdered filled milk na itinitimpla nito para sa anak.

“Hindi iyon pang-baby,” sabi ng nurse na si Angie.

“Iyong dati kong tinitimpla sa kanya, pang-baby talaga,” depensa ni Betchay. “Kaso, kinakapos kami kaya bumili ako ng mas mura-mura. Nanibago yata ang tiyan niya.”

“Naku, nagpasuso ka na lang sana,” sabi ng nurse ding si Zen. “Bukod sa libre, iyon talaga ang kailangan ng bata. Mas magkakaresistensiya siya laban sa mga sakit na tulad ng pagtatai. At tugmang-tugma sa pangangailangan ng katawan niya ang sustansiya sa gatas ng ina. Huwag kang maniniwala sa sabi-sabi na mas mahusay ang infant formula.”

“Kailangan nang dalhin sa ospital si baby,” pahayag ni Dra. Raval. “Kailangan na siyang i-confine.”

“Tara, isakay natin sa Revo,” sabi ni Donat.

Sumama si Angie. Pati na rin si Mayang.

Lalong umiyak nang umiyak si Betchay habang bumibiyahe sila.

“Nakasama pa pala sa anak ko ang gatas na binili namin para sa kanya,” sising-sising sabi nito. “Akala kasi naming mag-asawa, mas mahusay iyong pinapadede ng mayayaman sa mga anak nila.”

“Aba, kahit iyong mga mayayaman ngayon, nagbi-breastfeed na,” pahayag ni Angie. “Kahit nga mga artista tulad nina Sharon Cuneta, Jackie Lou Blanco at Maricel Laxa. Alam na rin kasi nila na ito talaga ang mas nakabubuti sa sanggol.”

“E paano ito, wala na akong gatas,” sabi ni Betchay.

“Tumigil iyan dahil tumigil ka sa pagpapasuso,” paliwanag ni Angie. “Kapag tuluy-tuloy ang pagpapasuso ng ina, tuluy-tuloy din ang paggawa ng katawan ng gatas na sapat sa pangangailangan ng sanggol.

“Pero huwag kang mag-alala. Sabi mo kanina, dadalawang buwan pa lang ang bata. Kaya pa nating pabalikin ang gatas mo. Kakayanin nating pagtulungan iyan. Kailangan lang, determinado ka rin.”

“Kung iyon ang magpapalakas uli sa baby ko, gagawin ko,” pangako ni Betchay.

Pagdating sa ospital, sa emergency room sila ibinaba ni Donat. Sumunod si Mayang kina Angie at Betchay.

Mabilis na sinuri ng mga doctor ang sanggol. Nang kabitan ito ng suwero, hindi makatingin si Mayang. Lumayo muna siya.

Nakasalubong niya palabas ng emergency room si Donat. Nakita nitong nagpapahid siya ng luha.

“Bakit?” puno ng pag-aalalang tanong nito. “Ano’ng nangyari sa bata?”

“Kinakabitan na ng suwero,” sagot niya. “Maaagapan naman daw. Naawa lang ako masyado noong tinutusok siya.”

Hinaplos siya ni Donat sa braso.

“Nakakaawa talaga,” sang-ayon nito. “Pero pasalamat na lang tayo na nasagip siya.”

Iginiya siya ni Donat paupo sa waiting area sa gilid ng emergency room.

“Nanginginig ka,” pansin nito.

“Nakakanerbiyos iyong nangyari, e,” sagot niya.

Hinaplos siya nito sa likod.

“Ganyan talaga,” sabi nito. “Ganyan din ako sa tuwing ganitong may itinatakbo sa ospital.”

“Nakakaawa si Betchay,” dagdag ni Mayang. “Mas takot na takot siyempre iyon. Nanay, e. Pagkatapos, nagi-guilty pa sa hindi niya pag-breastfeed.”

“Kung sumunod lang kasi siya noon sa itinuturo sa health center,” pabuntonghiningang sagot ni Donat. “Ang problema, marami pa ring mga magulang na naiimpluwensiyahan ng advertising. Akala nila, mas mabuti sa bata iyong mas mahal. Dapat talaga pagbawalan na ng gobyerno na mag-advertise iyang mga malalaking kompanyang nagbebenta ng infant formula, e.”

“Oo nga, ano?” sang-ayon ng dalaga. “Alam mo, naisip ko tuloy na puwede akong tumulong sa pangangampanya ng center para sa breastfeeding. Di ba ilan sa mga nakausap nating ina ng mga magiging estudyante ko, buntis? Tingin ko rin doon sa iba, possible pang magbuntis in the future. Puwede kong isama sa mga pakikipag-usap ko sa kanila ang advantages ng breastfeeding. Tingin mo kaya, maniniwala sila sa akin?”

“Aba, malakas ang impluwensiya ng teacher,” sagot ni Donat. “Magandang ideya iyan.”

Sabay nilang napansin na nakalapat pa rin sa likod niya ang palad ni Donat. Sabay silang parang nahiya sa isa’t isa. Agad na binawi ng binata ang kamay nito.

Mabuti na lang, lumabas si Angie. Nabasag nito ang nagsisimula nang tensyon.

“Okay na sila,” sabi ng nurse. “Dinala na sa ward. Natawagan na rin ni Betchay si Mio para dito tumuloy pagkagaling sa trabaho.”

Si Mio ang asawa ni Betchay.

“O, balik na tayo sa center?” tanong ni Donat. “May bago kayong volunteer health worker na kailangang bigyan ng orientation sa breastfeeding, e.”

Inginuso siya nito.

Ngumiti si Mayang at nagtaas ng kamay.

“Balak kong isabay sa pagkausap sa mga parents ng mga estudyante,” sabi niya.

“Aba, very good,” tango ni Angie. “Kailangan nga namin ng dagdag na publicity. At hindi lang sa breastfeeding, ha? Pati na sa pagdadala nila sa mga bata sa center para sa kumpletong pagpapabakuna. At saka ‘yong tamang nutrisyon habang lumalaki ang bata. Isama mo na rin ang family planning para sa mga sangkaterba na ang anak. At kapag naman nabuntis, iyong pagpapa-prenatal check-up nila at panganganak sa lying-in clinic o sa ospital para safe.”

Tuluy-tuloy na ang pagpapaliwanag ni Angie sa sasakyan. Hindi na maawat.


DUMAAN ang isang buwan. Natapos ang Marso. Ikalawang lingo na ng Abril.
Abala man si Mayang sa paghahanda ng eskuwelahan at sa kanyang training bilang di pormal na volunteer health worker ay di pa rin napanatag ang kanyang loob. Naging mas tutok man sa kanya ang atensyon ni Donat ay pinilit niyang di iyon bigyan ng kulay.

Paano’y di na siya dinatnan.

Saka lang niya naisip na puwede nga palang maging bunga iyon ng ginawa sa kanya ni Santi. Na possible siyang mabuntis.

Kinabahan ang dalaga pero ayaw pa niyang mawalan ng pag-asa.

“Baka delayed lang,” sabi niya kay Lucy.

“Pa-check ka na kaya kay Doktora para makasiguro tayo,” untag ni Lucy nang samahan niya ito sa pagpapabakuna sa mga bata sa health center.

“Huwag muna,” iling niya.

“Wala namang kaso kay Doc na dalaga ka, kung iyon ang inaalala mo,” pabulong na sabi ni Lucy. “Hindi ka ititsismis kahit nina Angie at Zen. At saka kahit kapag lumaki na ang tiyan mo, huwag kang mag-alala sa mga tagarito. Very understanding sila sa mga ganyang bagay.”

“Maghintay pa tayo ng dalawang linggo,” hiling ni Mayang.

Karga niya si Andoy habang karga ni Lucy si Aya. Nakaupo sa pagitan nila sa bangko si Elay.

Habang naghihintay sa kanilang turno, nagpapasuso si Lucy kay Aya. Ganoon din ang ginagawa ng marami sa iba pang mga inang naroon.

“Nakakatuwa kayong panoorin,” sabi ni Mayang.

“Dati, nahihiya pa ako,” amin ni Lucy. “Pero sabi nga ni Caloy, wala akong dapat ikahiya dahil isa ito sa pinakanatural na sitwasyon sa mundo. Lahat ng ina ay dapat lang na nagpapasuso sa anak.”

“Mabuti na lang at supportive ang asawa mo,” sabi ng dalaga.

“Sabay kasi naming na-realize na noon pa kami dapat nag-breastfeed, kina Elay at Andoy. Bukod sa mas nakabuti sana sa kalusugan nila, hindi rin sana naging ganoon kalapit ang pagitan ng mga pagbubuntis ko,” sagot ni Lucy.

“Imagine, nine months old pa lang si Elay, nabuntis na ako kay Andoy. Pagkatapos, six months old pa lang si Andoy, nabuntis naman ako kay Aya. Nakakaloka. Samantalang kung nag-breastfeed ako noon, hindi agad ako magkaka-period at hindi agad mabubuntis.

“Kaya dito kay Aya, talagang pure breastfeeding na kami. At saka nakaabang na agad ang aming family planning method. Ayoko na ng sorpresa.”

Napangiti si Mayang. Pero parang kinukurot ang kanyang puso.

Ayaw din niya ng sorpresa. Lalo na ng tipo ng sorpresang posibleng nakaabang sa kanya.

Dapat sana ay hindi niya kinatatakutan ang posibleng nagaganap sa sarili niyang sinapupunan. Anak niya ang batang posibleng naroon. Unang anak pa man din.

Pero kung may bata mang nasa kanyang sinapupunan, napakamalas naman nilang mag-ina na si Santi pa ang naging ama nito.

Kung sana’y naging tulad na lang ni Donat si Santi.

Pinutol agad ni Mayang ang takbo ng kanyang isip at damdamin. Inawat niya ang kanyang sarili.

Hindi niya dapat pagpantasyahan si Donat. Wala siyang karapatan.

Lalong sumakit ang kanyang dibdib.

Chapter 8

Natapos ang Abril. Wala pa rin ang hinihintay ng dalaga. Sa ikalawang linggo ng Mayo, bumili na ng pregnancy test kit si Mayang.

Nag-abang si Lucy sa labas ng banyo habang ginagawa niya ang test. Karga nito si Aya. Wala sina Elay at Andoy. Sinundo ng lola.

Nanlalata ang dalaga nang lumabas ng banyo.

“Positive,” sabi niya. “Buntis ako.”

“Buntis?”

Hindi si Lucy ang nagsalita kundi si Donat.

Napalingon ang dalawang babae. Nakita nilang nakatayo si Donat sa may pinto ng kusina.

Doon ito madalas dumadaan papasok ng bahay. Sanay na kasi itong labas-masok doon.

Lumapit si Donat kay Mayang, nakakunot ang noo. Hindi galit ang nakabadha sa mukha nito kundi pag-aalala.

“Buntis ka?” ulit nito.

Tumango siya.

“Iaakyat ko muna si Aya,” paalam ni Lucy dahil nagkataon namang nagsimulang umiyak ang sanggol. “Kayo na muna ang mag-usap.”

“Huwag mo nang problemahin ang problema ko,” sabi ni Mayang habang nauupo sa tabi ng mesang kainan. “Kumplikado ito.”

Naupo si Donat sa tabi niya.

“Handa akong makinig kung mamarapatin mong i-share sa akin,” sagot nito. “Akala ko, arranged marriage dapat iyon,” mukhang naguguluhang dagdag pa nito. “Alam ba iyan ng parents mo? Sila ba ang may gusto niyan?”

“Hindi pa nila alam,” iling niya. “At kapag nalaman nila, lalo nila akong pipiliting ipakasal kay Santi.”

Naiyak na nang tuluyan si Mayang.

“Akala ko noon, matututunan ko rin siyang mahalin. Pero pagkatapos niya akong daanin sa dahas, sigurado na akong hindi ako papayag kailanman na pakasal sa kanya. At hinding-hindi ako papayag na makilala ng anak ko ang isang ama na sadista at makahayop ang trato sa kapwa.”

Kumuyom ang mga kamao ni Donat.

“Ni-rape ka niya?” tanong nito. “Isuplong natin. Kahit ba gaano pa siya kayaman at kaimpluwensiya. At kahit magkarelasyon kayo noong nangyari iyon. Kahit nga sa pagitan ng mag-asawa, hindi dapat nangyayari ang ganoong karahasan.”

Umiling si Mayang.

“Pumayag din kasi ako noong simula,” amin niya. “Resigned na kasi ako noon na pakakasal ako sa kanya. Pero noong binaboy na niya ako, ayoko na. Lalo na noong sinabi niya kung paano niya tinakot ang mga babaeng nabuntis niya, at pinalaglag ang mga dinadala nila. Hayup siya!”

“Tutulungan kitang ipakulong siya,” pahayag ni Donat. “Lumaban ka. Hanapin natin pati ang iba pang mga babaeng inapi rin niya. Mapapalakas nila ang kaso laban sa kanya.”

Muling umiling si Mayang.

“Hindi ko sila kilala,” amin uli niya. “At kapag dinala ko siya sa korte, siguradong lalabas at lalabas din ang katotohanang siya ang ama ng dinadala ko. Ayokong mangyari iyon. Hindi siya dapat magkaroon ng anumang kaugnayan sa anak ko dahil siguradong masisira ang buhay ng bata.

“Ang gusto ko na lang ay makalaya mula sa kanya. Kailangang makalaya kaming mag-ina.

Poprotektahan at itataguyod ko ang anak ko nang mag-isa.”

“Alam ba niya kung nasaan ka?” tanong ni Donat.

Tumango siya.

“Kung ganoon, puwede ka niyang puntahan dito any time. Madidiskubre niyang buntis ka dahil sa kalaunan ay lalaki siyempre ang tiyan mo,” sabi ni Donat. “Dapat siguro, magtago ka sa ibang lugar.”

“Committed na ako sa HANDOG at hindi ko puwedeng abandonahin ang eskuwelahan,” sagot niya. “Malapit na ang pasukan at mahirap maghanap ng papalit sa akin nang ora-orada. Noong pinlano ko naman kasing magturo rito, hindi ko pa alam na mangyayari ito.”

“Kapag hindi ka umalis dito at nakita ka niyang buntis, hindi mo na maipagkakailang kanya iyan,” paalala ni Donat. “Unless sabihin mong iba ang ama ng bata.”

Natigilan si Mayang.

“Puwede iyon,” pagpapatuloy ni Donat. “Kung sasabihin mo sa kanya na may nakilala kang iba at na-in love ka nang biglaan, may mabigat na dahilan ka na para makipagkalas. Lalo na kung sasabihin mong buntis ka na sa bago mong boyfriend.”

“Kapanipaniwala kaya iyon?” tanong ni Mayang. “Kabagu-bago ko lang ditto.”

“Magiging kapanipaniwala kung may magpapatunay,” sagot ni Donat. “Ako, handa kong pangatawanan iyon. Sabihin nating ako ang ama ng dinadala mo. Mukha naman akong ka-in-love in-love, di ba?”

Shocked si Mayang.

“Nasisiraan ka na ba?” bulalas agad niya. “Nagagawa mo pang magbiro nang ganyan.”

“Seryoso ako,” giit ng binata. “E sino pa ba ang puwede? Tayong dalawa, mapapaniwalaang magkarelasyon. Di ba pagdating mo pa lang dito, tinutukso na tayo ng mga tao? E di pati sila, maniniwala. Safe ang sikreto mo. Tayo lang nila Lucy at Caloy ang makakaalam sa katotohanan.”

Nagpakailing-iling si Mayang.

“Huwag,” sabi niya. “Sobra na iyon. Hindi na simpleng bagay iyang pinagboboluntaryuhan mo.”

“Pag-isipan mo muna nang mabuti bago mo ipagwalang-bahala,” payo ni Donat. “Basta ako, my offer stands. Handa kong pangatawanang ako ang ama ng baby mo, lalo na kung iyon ang makakasagip sa inyong mag-ina.

“At saka ano pa ba ang choice mo?”


“KUNSABAGAY, tama siya,” sabi ni Lucy nang ikuwento ni Mayang ang alok ni Donat. “Iyon na lang yata ang puwedeng solusyon.”

“Pero hindi ko magagawa iyon kay Donat,” tanggi pa rin ni Mayang. “Hindi fair dahil wala naman siyang kinalaman sa problema.”

“Kung okay lang naman sa kanya, bakit ba ayaw mo?”nakangiting tanong ni Lucy. “Malay mo, pantasya talaga niyang maging ama ng baby mo.”

“Hindi puwede,” seryosong sagot ni Mayang.

“Bakit naman hindi?” seryoso na ring tanong ni Lucy. “Napakabuting tao ni Donat. At guwapo rin naman. Hindi magtataka ang kahit sino kung sasabihing na-in love ka sa kanya.”

“Iyon na nga, e,” amin na rin ni Mayang. “Masyado siyang madaling mahalin. Kaya ayoko. Magulo ang buhay ko. Siya naman, paalis ng Pilipinas. Kumplikado, di ba? Kaya mahirap nang may masimulan. Huwag na lang.”

Naintindihan ni Lucy.

“Natatakot ka,” sabi nito. “Pero malay mo naman, baka maplantsa rin ang mga kumplikasyon. Hindi mo malalaman iyon kung hindi ka mangangahas.”

Napilitang mangahas si Mayang pagkaraan lang ng tatlong araw.

Tumawag kasi si Santi sa kanyang cellphone.

“I’m here na sa bahay sa Makati, Babe,” sabi nito. “Susunduin ka namin. Hahanapin namin itong address mo na bigay ni Tita…oops, ni Mama pala. We’ll be there in a few hours.”

“Santi, teka muna,” sagot niya. “I don’t think it’s a good idea. Kung puwede sana, huwag muna tayong magkita. Kailangan ko lang ng konting panahon. I’d like to think things over muna.”

Hindi pa niya agad maidiretso ang pakikipagkalas. Dinadahan-dahan niya lang.

“What?” parang natatawang sabi ng lalaki. “Nonsense! After everything that happened? Ano ka ba? Ikakasal na tayo, Marianne. Kung ganyan ka, iuuwi na kita sa Davao. I think you better pack your things. You’re coming home with me. Tama na iyang dalawang buwan mong kalokohan.”

Nataranta si Mayang.

“Pumayag ka na kasi sa alok ni Donat,” giit ni Lucy. “Para matapos na iyan.”

Tinawagan niya ang binata. Sinabi niya ang sitwasyon.

“Magbalot ka ng ilang gamit,” sabi nito. “Susunduin kita. Ipagbibilin ko sa bungad na kapag hinanap ka ni Santi, dito siya ituro sa bahay ko. Palalabasin nating nagli-live in na tayo. Hayaan mong dito siya magwala para hindi madamay sina Lucy at ang mga bata sa gulo.”

Naisip ni Mayang na iyon na nga ang pinakamabuting gawin. Kaysa naman mabulabog pati kabahayan nina Lucy.

Lulubusin na niya ang alok ni Donat. Mag-isa lang naman ito sa bahay.

Sa tricycle nila isinakay ang mga gamit niya.

“Teka, baka mapahamak ka,” biglang pag-aalala ni Mayang. “Baka may mga kasama iyon.”

“Aba, marami rin naman akong katsokaran dito,” biro pa ng binata.

Pero kinausap din nito nang seryoso ang tricycle driver na si Bong.

“Pare, parating iyong ex-boyfriend ni Mayang, e,” paliwanag nito. “Gusto siyang dalhin pauwi sa Davao. Baka manggulo. Posibleng may mga kuyog.”

“Kami’ng bahala sa inyo,” sagot ni Bong.

Habang inaayos nga ni Mayang ang ilang gamit niya na para bang matagal na siyang doon nakatira sa bahay ni Donat, unti-unting nagsidatingan ang mga kalalakihang taga-komunidad.

Tumambay ang ilan sa tapat ng bahay. Ang iba naman, sa kusina.

“Mapaliligiran namin sila sakaling gumawa sila ng hindi maganda,” sabi ni Perry, iyong tricycle driver na kasama ni Bong noong dumating siya sa Sitio.

Doon nakita ni Mayang na handa ang mga tagaroon na protektahan silang dalawa ni Donat.


HINDI kayang ipasok ang sasakyan ni Santi kaya naiwan ang Pajero sa bungad ng Sitio.

Lima ang kasama nito. Naglalakihan ang mga katawan.

Medyo nasira lang ang porma nina Santi dahil napilitang mag-tricycle.

Naghintay sina Mayang at Donat sa may pinto ng bahay. Nang mamataan pa lang nila ang parating na mga tricycle ay inakbayan na agad siya ni Donat. Kinabig pa siyang papalapit.

Madilim na agad ang mukha ni Santi pag-ibis nito.

Pero agad ding napansin nito at ng mga kasama ang nagsilapitang mga kalalakihang taga-komunidad.

Sumimple lang ang mga taga-Sitio pero pumosisyon na sa paligid.

“Ano ’to, Marianne?” paninita agad ni Santi. “Sino ’yan?”

“Santi, si Donat,” sagot niya sa malakas na tinig na pilit lang niyang pinatatatag. “I’m sorry. I’m with him now. Dito ako nakatira sa bahay niya. Hindi na matutuloy ang kasal nating pinlano n’yo nina Mama.”

“Kidnapping ‘to!” pang-aakusa agad ng lalaki. “Hindi ka nila puwedeng pigilan dito! Palulusubin ko rito ang mga pulis!”

“Pare, hindi na minor si Marianne,” paalala ni Donat sa kalmadong tinig. “Nasa edad na siya para mamili kung sino ang gusto niyang samahan. Kaya hindi ito kidnapping. Pinili niyang tumira dito sa bahay ko. Sa piling ko. Kami na ngayon. At kakukumpirma lang namin sa good news – magkaka-baby na kami.”

Ipinatong pa ni Donat ang isang palad sa kanyang tiyan pagkasabi niyon. Sumandal naman si Mayang sa dibdib nito. Paano’y nangangatog na ang kanyang mga tuhod.

Tumutok nga ang mga mata ni Santi sa kinaroroonan ng kamay ni Donat. Halos mag-apoy ang tingin nito.

Halatang gustong-gusto na nitong magwala at manakit. Nakakuyom na ang mga kamao nito.

Pero alam palibhasa nitong hindi ito maaaring manaig sa dami ng nakapaligid na tagaroon kaya umiwas na itong mapahiya.

“Ganyan lang pala ang ipagpapalit mo sa akin, Marianne,” pang-uuyam na lang nito. “Ganito lang pala ang gusto mong tirahan. Napakagaga mo!”

At tumalikod na ito. Kasunod ang mga kasamang bodyguard.

Nag-tricycle din uli ang anim palabas. Itinawag ng mga tricycle driver sa cellphone nang makalayo na nang ganap ang Pajero ni Santi.

“Congratulations, ha!” sabi ni Bong kina Mayang at Donat bago umalis kasama ng iba pang pumaroon. “Magkaka-baby na pala kayo. Hayaan ninyo, magre-red alert kami, pati na mga tanod. Hindi makakapasok ang mga iyan o sinumang ipapadala nilang mga estranghero dito nang hindi natin nalalaman.”

“Salamat, Pare,” sagot ni Donat. “Salamat sa inyong lahat. Hindi namin makakalimutan ito.”

Ngiti na lang ang naisagot ni Mayang. Talagang nanlalambot na siya.

Chapter 9

Inalalayan siya ni Donat paupo sa salas. “Okay ka lang ba?” tanong nito.

“Okay lang ako,” sagot niya. “Delayed reaction lang ito sa kaba. Hindi ko akalaing aatras siya nang ganoon kadali.”

“Magpahinga ka muna sa kuwarto,” sabi ni Donat.

“Uuwi na lang ako kina Lucy,” sagot niya.

“Hindi puwede,” iling ni Donat. “Mabibisto tayo. Malay mo, baka biglang magpadala rito ng private investigator si Santi. Kailangang dito ka na muna tumira para walang butas ang kuwento natin.”

“Ha?” gulat na sambit ni Mayang. “Akala ko ba pansamantala lang itong pagkukunwaring ito.”

“Akala ko naman ikaw itong desidido na hindi malaman ni Santi at ng parents mo ang totoo,” sagot ni Donat. “Sigurado akong mangungulit pa ang mga iyon. Hindi dito matatapos ito.

“Kung gusto mong maging pulido ang kuwento na ako ang ama ng anak mo, dumito ka hanggang makapanganak ka. Maluwang naman ang bahay at wala kang ibang pakikisamahan kundi ako.

“Huwag kang mag-alala, solo mo ang kuwarto ko. Ililihim siyempre natin pero doon ako sa kabilang kuwarto matutulog.”

Namilog ang mga mata ni Mayang.

“Ito na nga ba ang kinatatakutan kong kumplikasyon,” sabi niya. “Paano ka na? Hanggang kailan mo babalikatin ito?”

“Basta’t makapanganak ka muna nang matiwasay,” sagot ni Donat. “Saka na natin pag-isipan kung paanong iibahin ang liko ng kuwento.

“May palusot naman tayo sa mga maghahanap sa atin ng kasal. Sabihin nating hindi pa tayo puwedeng pakasal dahil makakaapekto iyon sa hinihintay kong petisyon.”

“Donat, dadalawang buwan pa lang ang dinadala ko,” paalala ni Mayang. “Pitong buwan pa bago ako manganak. Ang tagal-tagal pa n’on.”

“Huwag kang mag-alala, masarap akong magluto,” tumatawa lang na sagot nito. “Hindi ka magugutom dito.”

Tinawagan ni Mayang si Lucy. Kumampi rin naman ito kay Donat.

“Mababalewala ang lahat kapag napatunayang fake ang relasyon ninyo ni Donat,” paalala nito. “Kung handa niyang pangatawanan, pangatawanan mo rin alang-alang sa bata.”

Hindi na nakatanggi si Mayang.

Hindi naman kasi niya masabi na natatakot siya dahil ngayon pa nga lang ay nai-in love na siya nang totoo kay Donat.


KINABUKASAN pa lang, napatunayan nang tama nga si Donat.

Tanghaling tapat nang tumawag sa cellphone nito si Bong.

“Pare, mga magulang ni Mayang, andito. Pasakay na ng tricycle papunta riyan.”

Nanananghalian pa naman sila ng sinabawang tulya at daing na bangus na ipinagmamalaking iniluto ng binata.

“Don’t worry,” matatag na sabi ni Mayang. “Kung kinaya mo si Santi, ako naman ang bahala sa parents ko. Handa na ako sa kanila.”

Aristokrata pa rin ang kilos nina Quintin at Marinella Isla kahit sa pag-ibis sa tricycle. Medyo natabingi na nga lang sa malakas na hangin ang naka-spraynet na hairstyle ng matrona.

Sinalubong nina Mayang at Donat ang mga ito na tulad ng ginawa nila kay Santi.

Malayo pa ay dumagundong na ang boses ni Quintin.

“Ano’ng katarantaduhan itong ginawa mo, Marianne? Ipinahiya mo ang buong pamilya.”

Paglapit nito ay akmang sasampalin siya, pero madaling nasangga ni Donat ang kamay ng matandang lalaki.

Agad ding itinakip ni Donat ang katawan nito sa harap niya.

“Wala kayong karapatang saktan siya,” sabi ng binata.

“Wala kang pakialam dito,” asik ni Quintin.

“Anak ko ang dinadala ni Marianne kaya may karapatan akong protektahan silang mag-ina,” sagot ni Donat.

“Totoo pala,” parang diring-diring sabad ni Marinella. “Ikakasal ka na lang kay Santi, Marianne, gumawa ka pa ng ganyang kahihiyan?”

“Ikaw ang dapat mahiya sa ginawa mo sa akin, Mama,” kalmadong sagot ni Mayang. “Nagsumbong ako sa iyo tungkol sa karahasang ginawa ni Santi sa akin. Sadista siya. Binaboy niya ang pagkatao ko. Pero sa halip na damayan mo ako, sinabi mo pang dapat kong matutunang magustuhan iyon kung ganoon ang hilig ng taong pinili ninyong ipakasal sa akin. Ano’ng klaseng magulang ka?”

“How dare you talk about that?” nanlalaki ang mga matang sabi ni Marinella. “Hindi dapat inilalantad ang ganyang mga bagay. That’s private. Para kang hindi pinalaki nang may breeding.”

“Ganyan nga ang attitude ninyo,” tango ni Mayang. “Na dapat itago ang ganoong mga kabuktutan. Na ang mga babae ay dapat na magdusa nang pribado.”

Binalingan niya ang kanyang ama.

“Ikaw, Papa, inalam mo ba muna ang tunay na pagkatao ng lalaking gusto mong sundin ko nang pikitmata sa lahat ng bagay? Alam mo bang marami na siyang nabuntis na mga babae, at ipinapalaglag niya ang mga bata pagkatapos bayaran at takutin ang mga ina?”

“Isip-rebelde ka na,” galit na bulyaw ni Quintin. “Na-brainwash ka na ng mga sinasamahan mong latak ng lipunan. Kung ganyan ka, huwag mo nang asahang makakatanggap ka pa ng kahit isang kusing mula sa pamilya. Tingnan ko lang kung hanggang saan ang yabang mo.”

Tinalikuran din siya agad nito. Sumunod ang kanyang ina.

Nakaismid sa mag-asawang matanda ang tricycle driver habang humaharurot palayo. Ni hindi nito iningatang iwasan ang mga lubak sa kalye.

Galit pa rin si Mayang nang padabog na naglakad pabalik sa bahay.

“Nakita mo na kung ano’ng klase sila,” nanggagalaiting sabi niya kay Donat. “Wala akong pakialam sa pera nila. Ang hinihingi ko lang naman ay maging tunay na magulang sana sila sa akin.”

“Dahan-dahan ka,” sagot ng binata. “Baka matagtag ang baby mo.”

“Gusto kong magsisisigaw!” sabi pa ni Mayang habang lalong ipinapadyak ang mga paa. “Kung tutuusin, kasalanan nila ang lahat ng ito!”

Natigilan lang siya nang may maramdamang mainit na humulas mula sa pagitan ng kanyang mga hita.

“Bakit?” tanong ni Donat.

Tumingin si Mayang sa ibaba at nakita niya ang pulang-pulang agos pababa sa kanyang mga hita, mula sa gilid ng maluwang niyang walking shorts.

“Mayang!” hiyaw ni Donat na sumunod din sa kanyang tingin.

Nagdilim na ang paligid para sa dalaga.


“KAYA mo na ba talagang umuwi, Mayang?” tanong ni Donat pagkaraan ng dalawang araw. “Sagot naman ng HANDOG ang lahat ng gagastusin dito sa ospital. Huwag kang magmadali.”

“Kaya ko na,” matamlay niyang sagot. “Masyado nang malaking abala ang pagbabantay ninyo sa akin dito. Kung tutuusin, hindi naman kailangan. May nurses naman.”

“Ninyo” ang ginamit niyang salita pero ang totoo’y si Donat ang tanging nagbantay sa kanya, araw-gabi. Hindi siya nito iniwan. Dinalhan na nga lang ito ni Caloy ng gamit.

“Hindi iyon abala,” sagot ng binata. “Alam kong depressed ka sa nangyari.”

“Hindi,” iling ni Mayang. “Noong simula lang iyon, noong akala ko namatayan ako ng baby. Pero ipinaliwanag naman nina Doc na blighted ovum ang kaso ko. Walang nabuong baby dahil posibleng bugok ang semilya. Kaya wala akong dapat iyakan.

“Nagpapasalamat pa nga ako na walang nabuong baby. Tama lang na bugok ang semilyang mula kay Santi. Hindi siya deserving na maging magulang.”

Tiningnan niya si Donat.

“Ngayong hindi na ako buntis, hindi na natin kailangang ituloy ang pagkukunwari sa Sitio,” maingat na pagpapatuloy niya.

“Doon mo na ako ihatid kina Lucy, please. Kukunin ko na lang ang mga gamit ko sa bahay mo one of these days.

“Maraming-maraming salamat sa napakalaking tulong na ibinigay mo sa akin, Donat. Sobra-sobra ang utang na loob ko sa iyo. Mabuti na lang, hindi na kailangang magtagal pa ang sakripisyo mo.

“Huwag kang mag-alala, may naisip na akong kuwento. Hindi ka lalabas na masama kahit maghiwalay tayo pag-uwi ko mula rito.

“Sasabihin kong masyado akong naapektuhan ng lahat-lahat ng naganap kaya ako ang humiling na mag-cool off muna tayo. Wala kang kasalanan. Magulo lang ang isip at damdamin ko. Paniniwalaan iyon ng mga tao.”

Nanatiling nakatitig lang sa kanya si Donat.

“Ang bilis mo namang nakapag-isip ng kumpletong scenario,” parang may hinanakit na sagot nito. “Samantalang ako, hindi halos makapag-isip sa pag-aalala sa kalagayan mo.”

Alam na alam iyon ni Mayang. Iyon nga mismo ang lalong nagpalalim sa nadarama niyang pag-ibig kay Donat.

Daig pa nito ang tunay na asawa sa ginawang pagbabantay sa kanya. Kahit kapag gumigising siya nang madaling araw ay nakikita niya itong nakatunghay pa rin sa kanya.

Pero hindi siya puwedeng magpadala sa kanyang damdamin. Wala silang maaasahang magandang kinabukasan kapag nagbuo sila ng relasyon.

Hindi nga ba’t kaytagal nang hinihintay ni Donat ang pagkakaapruba ng petisyon para ito makapunta sa States at doon tumira nang habambuhay? Ni hindi nga ito nagtrabaho pagka-graduate. Hindi nagtangkang magbuo ng anumang pundasyon sa Pilipinas. Talagang sa States nito balak itatag ang sariling kinabukasan.

Hindi niya hihilingin kay Donat na talikdan ang pangarap na iyon. Hindi siya makasarili.

Hindi rin naman niya kayang magsimula ng isang relasyon para lang maiwan dito sa Pilipinas. Hindi niya kayang pumaloob sa isang relasyong pansamantala lamang.

Kahit napakasakit, kailangan na niyang putulin ang kanilang ugnayan. Putulin nang ganap.

Kahit pa maghinanakit sa kanya ang taong ngayo’y pinakamamahal niya.

Chapter 10

Parang tulala si Donat pag-uwi ng bahay. Mag-isa na lang uli siya. Naihatid na niya si Mayang kina Lucy, tulad ng hiniling nito.

Isang gabi lang natulog si Mayang dito sa bahay niya pero kaydali niyang nakasanayang narito ang dalaga. Para bang nababagay itong manatili rito nang panghabambuhay.

Dalawang gabi lang niyang binantayan si Mayang sa ospital. Pero nakahanda siyang bantayan ito roon nang kahit gaano katagal kung kinakailangan.

Ganoon na lang ang takot niya nang isugod ang dalaga sa ospital. Kaiba sa dati niyang nerbiyos kapag may itinatakbo silang emergency case.

Alam na ni Donat. Mahal na mahal kasi niya si Mayang. Umiibig siya sa kaunaunahang pagkakataon sa kanyang buhay.

Akala niya, may pitak din siya sa puso ng kanyang pinakamamahal. Pero bakit bigla nitong pinutol nang ganoon lang ang kanilang ugnayan? Bakit siya nito biglang itinaboy na para bang nagmamadali?

Natatakot ba itong ma-in love sa kanya? Bakit?

Tiningnan ni Donat ang sarili sa salamin.

Oo nga naman, sagot niya rin sa sariling katanungan. Sinong matinong babae nga naman ang magtitiwala sa kanya. Ayos-teenager. Bihis-teenager. Walang trabaho. Sandal sa magulang.

Pinagkatiwalaan siya ni Mayang bilang kaibigan, pero hanggang doon lang. Hanggang kunwa-kunwariang relasyon lamang.

Hindi siguro nito makita kung paano siya pupuwedeng maging padre de pamilya. Maging asawa’t ama.

Hindi niya ito masisisi.

Pero may puwede siyang magawa. Puwede niyang patunayang kaya niya.

Umilaw ang mga mata ni Donat. Kabisado niya ang kanyang sarili. Kapag may tinututukan siyang proyekto ay bigay-todo. Kahit pa boluntaryo. Kaya naman laging nagtatagumpay. Ano ang kaibhan kung seryosong proyektong pangkabuhayan naman ang tutukan niya?

At proyektong pagpapatunay na nagkamali si Mayang.


TAMANG-TAMA lang na nakapagpahinga nang sandali si Mayang bago nagsimula na ang klase. Hindi siya nagkaroon ng maraming pagkakataong magmukmok at magsintir sa pagkakahiwalay kay Donat.

Hindi na kasi sila nagkita magmula noong ihatid siya nito kina Lucy mula sa ospital. Pati ang mga gamit niyang naiwan sa bahay ng binata ay ipinahatid na lang nito sa tricycle.

Tumupad naman ang dalaga sa usapan. Nagpatulong siya kay Lucy para maipalaganap ang kuwento kung bakit sila “naghiwalay” ni Donat.

Katulad ng kanyang inaasahan, tinanggap iyon ng mga tao. Walang sinisi sa kanila. Panay simpatiya ang kanyang natanggap. Lahat ay nagsasabing sana’y maka-recover na siya at magkabalikan sila.

Pilit na pinuno ni Mayang ang kanyang mga araw. Liban sa pagtuturo sa umaga at pagiging di opisyal na health worker, tumanggap rin siya ng tutoring sa kalapit na pribadong subdivision. Mga high school students ang tinuturuan niya roon sa hapon.

“Pinapahirapan mo ang iyong sarili,” sabi sa kanya ni Lucy.

“Mas mahirap ang konsekuwensiya ng alternatibo,” sagot niya rito. “Mabuti pang masanay na akong ganito. Na wala siya sa buhay ko. Kaysa masanay akong kasama ko siya at saka aalis siya.”

Ngumiti lang nang misteryoso sa kanya si Lucy.

Napansin ni Mayang, hindi ito nagkukuwento tungkol kay Donat. Kung kumusta na ang binata. Kung ano na ang pinagkakaabalahan. Naisip niya, baka pinoprotektahan lang siya. Ayaw dagdagan ang kanyang sama ng loob.

Agosto. Pag-uwi ni Mayang isang hapon, nakasalubong niyang palabas si Lucy, karga si Aya.

“Punta lang ako kina Nanay,” sabi nito. “Andun sina Elay at Andoy, e. Bahala ka na muna riyan.”

“Sige lang,” sagot niya.

Pumanhik siya para magbihis ng pambahay.

Pagpanaog niya uli, napasigaw ang dalaga. May lalaki kasi sa kusina. Nakatalikod sa hagdan. May kinakalkal sa mesang kainan.

“Magnanakaw! Magnanakaw!” sigaw ni Mayang.

Humarap sa kanya ang lalaki.

Napatda si Mayang.

“Donat?”

Hindi niya ito nakilala nang nakatalikod dahil iba na ang buhok nito. Normal nang itim. Wala na ang sari-saring kulay. Normal na rin ang gupit. Hindi na parang sa karakter ng anime.

Pati bihis ng binata, ibang-iba na. Simple na lang. Generic, kumbaga sa gamot. Hindi na humihiyaw na designer brands.

“Nakakapanibago ba?” nakangiting tanong nito. “Hindi ba bagay?”

“Bagay,” mabilis na sagot niya bago napigilan ang sarili. “Mas bagay.”
Mas lumitaw nga kasi ang pagkaguwapo ni Donat sa bago nitong ayos. Angkop na angkop na sa edad nito’t tunay na personalidad. Mukha na talaga itong responsable at mapagkakatiwalaan.

“Pero napagkamalang magnanakaw,” biro ni Donat.

“Hindi, nakatalikod ka lang kasi kanina,” natatarantang paliwanag ni Mayang. “Sa totoo lang, kapitapitagan ka ngayon.”

Nilapitan niya ito. May mga balutan itong binubuksan kanina sa mesa.

“Ano ’yan?” tanong ng dalaga.

“Nagdala ako ng luto ko,” sagot nito.

“Nagluluto ka pa rin pala,” sabi ni Mayang.

Parang sinundot na naman ang kanyang puso nang maalala kung paano siya ipinagluto nito noon.

“Ginawa ko nang business ang pagluluto,” pagkukuwento ni Donat. “Sa bahay lang naman muna based. Nagsu-supply ako ng pagkain sa mga opisina hanggang diyan sa may paligid ng Quezon Memorial Circle. Lunch at meryenda sa hapon. Dine-deliver ko sa Revo. Tinutulungan ako ng ilang out-of-school youth sa pag-aakyat ng mga order sa mga building.”

Gulat na gulat si Mayang.

“Nagtayo ka ng business? Talaga?”

“Bakit parang hindi kapani-paniwala?” parang may tampong sabi ni Donat.

“Hindi naman,” sagot ni Mayang. “Kaya lang, sayang kasi kung lalago pagkatapos aalis ka rin, hindi ba?”

Siya naman ang hindi makapagdisimula ng himig ng paghihinanakit.

“Hindi naman siyempre ako magsisimula nang hindi ko mapapangatawanan,” sabi ni Donat.
Napatingin siya rito.

“Wala na akong pakialam sa petition, Mayang,” seryosong pahayag ng binata. “Ayoko nang umalis. Ayoko nang lumayo. Hindi rin ako sasaya roon. Hindi ako mabubuhay doon.

Kasi wala ka roon.”

Natulala ang dalaga.

Hinding-hindi niya inaasahang marinig ang ganoon.

“I love you,” pahayag pa ni Donat. “Gagawin ko ang lahat ng paraan para maipaabot at maipadama ito sa iyo. Kahit hindi mo tugunan, hindi ako magsasawang magsabi at magpadama nito sa iyo. Kahit hanggang kailan.

“On the other hand, kung mamarapatin mo, handa kong ialay ang buong buhay at pagkatao ko. If you’ll accept me and agree to marry me. Will you marry me, Mayang?”

“Ha?” bulalas niya.

“Huwag ka sanang magalit kung nabigla ka,” natatarantang agap ni Donat. “Hindi naman kita minamadali. Gusto ko lang na malaman mo ang tunay kong intensyon.”

Natawa na si Mayang. Tumawa siya. Tumawa nang tumawa.

Pero natigilan siya nang makitang gumuhit ang hapdi sa mukha ng binata.

Bigla niya itong niyakap.

Si Donat naman ang napamulagat.

“Huwag kang magtampo, hindi kita pinagtatawanan,” maliwanag ang ngiting pahayag ni Mayang. “Natutuwa lang ako, Donat. Hindi mo alam kung gaano mo ako pinaligaya. Ito ang pinakamasayang araw sa buong buhay ko.

“I love you. At, oo, siyempre, I’ll marry you. Bakit kasi ngayon ka lang nagsabi.”

Hindi na sumagot ang binata. Basta’t niyakap na lang din siya nito’t siniil ng halik.

Chapter 11

Disyembre sila ikinasal. Doon mismo sa Sitio Bukangliwayway. Napapaligiran ng mga mahal nilang kaibigan.

Umuwi sa Pilipinas ang mga magulang ni Donat para dumalo. Hindi sumama ang loob ng mga ito sa naging pasya ng anak. Natuwa pa nga ang mga ito sa malaking pagbabagong naganap kay Donat.

“Mabuti na lang nakilala ka ng anak namin,” sabi ng Mamang ni Donat kay Mayang. “Ikaw na siguro ang magpupuno ng mga pagkukulang namin sa kanya.”

Nalaman nilang tumino na ang Papang ni Donat magmula noong makapiling ang kabiyak.

“Iba talaga kapag katabi mo ang mahal mo,” sabi nito sa anak.

Kahit paano, sa mga sandaling iyon ay naunawaan ni Donat ang ugat ng naging pagkatao ng ama. Hindi nito nakayanang paglabanan ang labis na pangungulila. Naging mahina ito.

Wala ang pamilya ni Mayang sa kasal. Ni hindi niya tinangkang kumbidahin.


SETYEMBRE ng sumunod na taon, kabuwanan na ng batang ginang.

Alas-sais ng hapon, naligo si Mayang. Pagkatapos, niyaya niya ang asawa.

“Magbihis ka na. Pagkatapos, bitbitin mo ang inihanda kong delivery bag. Kailangan na nating tumuloy sa ospital.”

Naligalig agad si Donat.

“Huwag mo akong bibiruin nang ganyan,” sabi nito.

“Hindi ako nagbibiro,” nakangiting sagot ni Mayang. “May mild contractions na akong nararamdaman kaya naligo na ako. Don’t worry, malalayo pa ang pagitan ng contractions.”

Nataranta na nang husto ang magiging ama.

“Teka, teka, pigilan mo muna. Heto na, magbibihis lang ako,” sabi nito.

Napabungisngis pa si Mayang.

“Para namang kaya kong pigilan itong anak mo,” sagot niya. “Pero huwag kang magpa-panic. Kabisado naman natin ang mangyayari, hindi ba? Ilang ulit nang ipinaliwanag sa atin sa mga prenatal check-ups. Kaya nga hindi na ako gaanong kinakabahan, e.”

“Mas kabado pa nga yata ako kaysa sa iyo,” amin ni Donat.

Pagdating sa ospital, inihatid nito ang asawa sa emergency room entrance. Pagkatapos, kinailangan muna nitong iparada ang Revo.

“Don’t worry, sumunod ka na lang sa may delivery room,” bilin ni Mayang. “May kasama na ako. Safe na ako dito.”

Sinalubong kasi siya ng aide at nurse.

Nakayanan pa ni Mayang na sagutan ang forms na dala ng taga-admitting section.

Umabot naman si Donat bago siya ipinasok sa labor room.

“Hindi ka raw puwede sa loob,” sabi ng maybahay. “Kiss na lang.”


HINDI madali ang manganak pero nang makita ni Mayang ang kanyang baby ay parang nabura ang lahat ng kanyang paghihirap.

Ibinigay sa kanya ang sanggol.

“Hello, baby,” bulong ni Mayang. “Hello, Marjo. Ako si Mommy. I love you.”

Tamang-tama namang pinapasok na sa delivery room si Donat.

Nagtama ang paningin ng mag-asawa. Nakita ni Mayang na may luha ang mga mata ni Donat.

Lumapit ito at hinaplos ang braso ng sanggol.

“Siya na yata ang pinakamagandang baby sa balat ng lupa,” sabi nito. “Kamukha mo. Thank you, Mayang.”

“Thank you din for giving me our baby,” sagot ng ginang.

Iniayos niya ang anak at inilapit sa kanyang dibdib gaya ng itinuro sa center. Nang makanti ang labi nito ay kusang bumuka nang maluwang ang bibig ng sanggol. Agad nitong natutunan ang tamang pagsuso.

“Ang takaw ng baby natin,” nangingiting pansin ni Mayang.

“Parang hindi ako makapaniwala na pinapanood ko na kayong mag-ina nang ganito,” pahayag ni Donat na namamaos sa emosyon ang tinig.

Muling nagkatitigan ang mag-asawa. Nagkangitian. Punong-puno ng wagas na pagmamahalan.


NAKAUWI na sila sa bahay nang may isa pang milagrong naganap.

Muli, nagpapasuso si Mayang sa salas at nakamasid sa kanilang mag-ina si Donat.

Hindi tuloy nila napansin agad na may mga taong kanina pa nakatayo sa may bukas na pinto, nakamasid din nang may mga luha sa mata.

Nagulat na lang sina Mayang at Donat at sabay na napalingon nang marinig ang boses babaeng pumipiyok sa pagsabing, “My baby!”

Mama’t Papa ni Mayang ang nasa may pinto. Kasama pati ang dalawang kuya niya.

“Puwede ba kaming tumuloy?” mapagpakumbaba nang tanong ni Quintin Isla.

Mabilis na tumayo si Donat at lumapit sa pinto.

“Siyempre po,” sagot nito. “Tuloy kayo.”

Naglahad ng kamay si Quintin.

“Congratulations, iho.”

Sa halip na makipagkamay, nagmano si Donat.

“Maraming salamat po sa pagdating ninyo,” sabi nito.

Nakangiting nagpamano rin si Marinella. Pagkatapos, sabay na niyakap ng mag-asawang matanda ang kaisa-isang anak na babae at ang bagong apo.

“Nagulat kayo, I’m sure,” sabi ng Kuya Quinito ni Mayang habang kinakamayan si Donat. “Pinasubaybayan kayo ni Papa kaya nalaman nila ang panganganak ni Mayang.”

“Pero ito ang talagang hindi nila nakayanang talikuran,” dagdag ng Kuya Quark nila.

Iniabot nito ang isang blow-up photo kay Donat pagkatapos itong kamayan.

Litrato nilang mag-anak. Kinunan mula sa malayo, gamit ang telephoto lens. Halatang gawa ng private investigator.

Nasa ospital pa sila noon. Sa bintana sila nakunan. At ang eksena, muli, ay ang pagpapasuso ni Mayang sa anak. Nakaakbay naman si Donat sa asawa. Pinagmamasdan nila ang sanggol.

Oo nga naman, naisip ni Donat. Mahirap tikisin ninumang magulang ang mga emosyong kayang buhayin ng ganoong eksena.

Lalo pa nang makita ng mga Isla ang parehong eksena sa tunay na buhay. Sa isang iglap, nagsimulang maghilom ang malalalim na mga sugat.

Sinalubong ni Mayang ang kanyang tingin. Madamdamin ang ngiting pinagsaluhan nilang mag-asawa. Samantala, kuntento pa ring sumisimsim si Marjo mula sa bukal ng pagmamahal sa dibdib ng sariling ina.

-WAKAS-

1 comments:

Anonymous said...

Hey there Maia Jose! Nostalgia Manila dropping by, and this is the first time I've seen your blog, great work! Would love to do a link exchange!

Please get back to me! I'd love to add you to my permanent Link List!

Looking forward to hear back from you!

--NM

MAIA JOSE Filipino Romance eBooks to buy online:
Powered by WebRing.